Ibinahagi ni EA Guzman na masaya siya sa unang gabi nila ni Shaira Diaz bilang mag-asawa kahit pa tinulugan siya ng kaniyang maybahay.
Ikinasal ang dalawa noong Huwebes, Agosto 14, 2025, matapos ang 12 taon ng pagiging magkasintahan. Sa nasabing panahon, nagkasundo sina EA at Shaira na hindi nila gagawin ang ginagawa ng mag-asawa hangga’t hindi pa sila kasal.
Kaya sa araw ng kanilang kasal, nabanggit ni Shaira kay EA ang linyang: “Magiging masaya ka na mamaya.”
Sa episode ng programang "Unang Hirit" nitong Lunes, tinanong ng host na si Arnold Clavio si EA, “’Yung pangako ba niya noong sa dambana noong kinasal kayo na magiging masaya ka na, kamusta ka naman?”
Tugon ng aktor, “Ako, magiging honest ako ah, pero grabe ang ngiti ko talaga. Pero ‘yung first night, tinulugan ako.”
“Pero naintindihan ko naman kasi ang aga niya nagising so naiintindihan ko,” dagdag ni EA.
Una rito, hinangaan ni EA ang desisyon nila ni Shaira na ‘magtimpi,’ at sinabing ang pag-ibig ay nakabatay sa disiplina, paggalang, at pangako.
"Baba [Shaira], we chose a path not everyone would understand. To wait. To honor God. And to honor each other by practicing purity. It wasn't always easy. But it was worth every moment. Because through the waiting, I learned that love is not just about desire, but about discipline, respect, and commitment," ani EA sa wedding vows nila ng aktres.
Inilarawan naman ni Shaira si EA bilang kaniyang safe place. At higit sa ginhawa na ibinigay nito, pinasalamatan ni Shaira ang kaniyang mister sa pagrespeto nito sa kaniya.
"You love me. You love my family. You love me patiently. You accepted me. You let me grow. You embraced my whole family. You kept the promise you made to my parents," ani Shaira.
Kabilang ang Unang Hirit barkada, GMA executives, at Kapuso stars sa mga dumalo sa naturang kasal.
Taong 2021 nang maging engaged sina Shaira at EA pero isinapubliko lang nila ito noong 2024. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News
