Ibinahagi ng Kapuso actor na si Kristoffer Martin sa social media post ang kinasangkutan niyang aksidente at lasing umano ang nakabanggaan niya na nakasakay sa motorsiklo.

Sa Facebook, ipinost ni Kristoffer ang ilang larawan na makikita ang galos na kaniyang tinamo sa braso at siko. May motorsiklo rin na nakatumba na makikita sa post.

Sa caption, nagbigay siya ng paalala sa mga motorista, “Pag lasing, pumirmi na kung san abutan. Magpababa [ng tama]. Wag na magmotor or magdrive. Please.”

Sa post, ikinuwento ng aktor na mabilis umano ang mga pangyayari at mabagal pa ang takbo niya nang mangyari ang aksidente.

“Ang bilis ng pangyayari. Mabagal pa ang takbo kasi kakaalis lang sa meeting place. Chineck lang sapatos ko if naka-clipped-in,” saad ni Kristoffer. “May nag-counterflow na motorsiklo. Lasing. Tumilapon na ko. Si Kuya nakita ko bumagsak tapos duguan na.”

Inihayag ng aktor ang labis na pag-aalala sa naging kalagayan ng rider na umano’y lasing. Aniya, nagtagal siya sa presinto at naghihintay kung ano nangyari sa kaniyang nakabanggaan.

“Akala ko nakapatay ako. Lord Salamat buhay si kuya. At minor injuries lang sa akin. Pero yung ang tagal ko sa presinto nag-aabang ng news if buhay ba si kuya. Yon yung iniisip ko magdamag,” saad niya sa post.

Patuloy ni Kristoffer, “At the end of the day, parehas kaming buhay. Yun pa rin pinaka malaking pasasalamat ko. Mag-ingat tayo lahat. Laging isipin may pamilyang naghihintay sa atin makauwi.”

Sa comment section, nabanggit ni Kristoffer na nangyari ang insidente sa Rizal.

“Sa mga magtatanong panong counterflow, sa Marcos highway ‘yan pa Sumulong kami. Pasalubong siya,” sabi ng aktor na aktibo ngayon sa pagbibisikleta. -- FRJ GMA Integrated News