Ngayong nakatuon ang atensyon ng publiko sa umano’y mga palpak at “guni-guni” na mga flood control projects, inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may iba pang mga anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na kaniyang nadiskubre gaya ng reflector lights sa kalye o cat’s eyes at anti-erosion rock netting na sinasabing ubod nang laki ang patong sa presyo.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita na kabilang si Magalong, lead convenor ng Mayors for Good Governance (M4GG), sa mga sumaksi sa nakaraang privilege speech ng kaalyado niyang si Senador Panfilo Lacson sa Senado upang ibulgar ang umano’y mga katiwalian sa flood control projects.
Sa panayam ni Jessica, sinabi ni Magalong ang mga natuklasan niyang mga katiwalian sa DPWH sa iba pang mga proyekto gaya ng paglalagay ng mga cat’s eyes, yellow barriers, at anti-erosion rock netting sa Cordillera Administrative Region.
Ayon sa alkalde, ang presyo ng rock netting na P6,000 per square meter, ay ginawang P25,000 sa DPWH noong 2023.
Ang rock netting funds mula 2017 hanggang 2023 sa Cordilleras ay umabot umano ng P46.61 bilyon. Ang tongpats na tinataya ni Magalong na napunta sa mga tiwaling opisyal, nasa P28 bilyon.
Ayon kay Magalong, nalaman niya ito nang humihingi siya ng datos mula sa DPWH pero pinaikot-ikot umano siya.
“Nilalaro ako, pinapaikot ako. Minsan nga nag-request na ako through the Regional Development Council, very strong na dapat ‘yun e, na to compel DPWH to provide me documents, ‘yung mga contracts,” saad ng alkalde.
Binigyan umano siya ng DPWH ng “link” tungkol sa kaniyang hinihingi pero wala umano siyang napala.
“So kinausap ko 'yung NEDA [National Economic Development Authority] to conduct a study, doon namin nabisto na ang tindi pala. Sa bawat square meter pala ng rock netting na 'yun, iba-iba klase kasing system, may offensive, may active passive,” sabi ni Magalong.
“Average 4,300 lang pala square meter, may profit 'yung contractor, lumalabas 25,000 square meters according to that study ng NEDA, talagang empirical data 'yun. So ang laki pala eh,” patuloy niya.
“Billions 'yung tiningnan namin ngayon, how much money was spent in the Cordillera because it has been done in the entire Philippines doon. P46.6 billion since 2017. Tapos nakausap ko 'yung isang contractor, sabi niya, ‘Sir, pagod na kami kade-deliver ng pera sa kanila.’ ‘Magkano ba kinukuha sa iyo?’ ’40 percent,’" sabi pa niya.
Ayon kay Magalong, sinabi ng kontratista na ang mga mambabatas din umano ang mga suppliers at main contractors ng proyekto.
Inihayag din ni Magalong na may cats’ eyes (retroreflective safety device) na inilagay sa mga kalsada na hindi na gumagana at hindi pantay ang layo ng bawat isa.
“And then finally, nagtanong ako, ‘Magkano ba ‘yan?’ May nakuha akong detailed unit price analysis, lumalabas na P11,720 per piece. So what I did was to get in touch with a similar supplier na accredited din ng DPWH,” paglalahad ng alkalde.
Sa nakuha niyang quotation o gastos na ibinigay sa kaniya, nagkakahalaga ito ng P1,350 para sa bawat item, P700 para sa installation, at P246 sa tax.
Ayon kay Magalong, tinaasan ang presyo para sa pagkakabit na dapat sana’y P200. Ang P500 na patong, “for the boys kasi ‘di sila binibigyan ng mga politiko.”
“So sabi ko, ‘Ah kaya pala ang laki-laki ng porsiyento nila.’ So, P11,720 minus P1,800. Can you just imagine? P9,900 pala ang bawat piraso ang mark-up. So ilang millions, million pieces ang binili rito sa buong bansa. Millions and millions of pieces,” ani Magalong.
Sa pagtaya ni Magalong, nasa P9.8 bilyon umano ang ninanakaw sa pondo ng bayan.
“At nakaka-insulto na, ‘Sige, lagyan na natin 'yan. Hindi naman nakaka-intindi ang mga Pilipino diyan.’ Parang gano'n eh na nakaka-insulto naman kayo,” giit niya.
Sa pagsusuri ni Magalong, nasa 30 porsiyento na lang ng aktuwal na pondo ang nauuwi sa proyekto dahil sa hatian sa tongpats.
“Average kasi lumalabas na mga 40-45. Pero wala pa 'yung profit ng contractor. Forty, 45. So, tanggalin mo ‘yung profit ng contractor. Sabihin mo, nag-impose siya ng 15 percent, 30% percent na lang maiwan. ‘Yun ‘yung 30 percent na gagamitin niya [sa proyekto,” ani Magalong. “So, ang tanong ko sa kaniya, ‘How will you be able to execute it? Di ba? Paano ma-ensure na quality yan?’"
Ayon kay Magalong, inamin ng kaniyang kausap na mapipilitan silang gawing substandard o mahina ang proyekto.
“Some of them are stealing 1 billion peso a year. More than. And if you're stealing 1 billion a year, you're stealing P2.7 million a day,” sabi pa ng alkalde.
Ayon kay Magalong, kinausap niya noong 2022 si DPWH Secretary Manuel Bonoan, at ibinigay niya ang mga nakalap niyang dokumento.
“Sabi ko, ‘Secretary ito 'yung mga substandard na project. Please, take out your district engineer. Kasi ilang beses ko na siya sinabihan, wala pa rin [nangyari],’" pahayag ni Magalong na nagsabing labis na siyang nadidismaya sa nangyayaring katiwalian sa bansa.
“Masama ang loob mo because we're out in the field, kita namin 'yung poverty. We have visited villages na talagang hirap ang mga tao. Hanggang ngayon, 'di ba? Magkano lang kinikita ng mga vendors? P400, P300. Taxi driver, P600, P700. Jeepney drivers, ganun din. Nagbabayad pa sila ng tax,” aniya.
“Itong mga tao na ito, isipin mo walang binabayarang tax sa bawat ninakaw nila. Utang tayo nang utang. Bulsa lang nang bulsa. Pumapalakpak nga sila tuwing may utang e. Umuutang tayo. Pumapalakpak sila lalo. Kasi tuwang-tuwa sila, ‘Mayroon na naman kami...’ At ang masama nito, ‘yung kanilang kasakiman, greed. Walang hangganan. Tuloy, tuloy, tuloy, tuloy,” sabi ni Magalong.
Inihayag pa ni Magalong na labis umanong minanipula ang 2025 budget upang maisagawa ang mga insertions at mga pork barrels.
“Mga 20 percent of the total budget. Tiningnan nga namin 'yung budget eh. Nag-drill down kami, kasama namin ‘yung grupo ng National Budget Coalition. Nakita nila kung papaano talaga mina-nipulate, minasaker ‘yung 2025 budget. And previous budget, dahan-dahan nila minanipulate para lang talagang ma-satisfy 'yung ilalagay nilang mga insertions at ‘yung mga pork barrels,” patuloy niya.
Nanghihinayang si Magalong sa mga pondong ninakaw umano na dapat sanang nagamit sa pagpapatayo ng mga paaralan, silid-aralan, o mga ospital.
“Isipin mo every year nag-iisip kami, paano na naman ito? Kulang na naman ang classroom, sira-sira na naman upuan. Aayusin na naman namin 'yung mga school buildings. Kawawa na naman itong mga estudyante. 'Yun pala, pinagbubulsa lang ng mga kurap na politiko. Manggigigil ka talaga,” giit niya.
Gayunman, ikinatuwa ni Magalong na nabubunyag na ngayon ang mga katiwalian sa DPWH.
“Alam mo kasi Jessica nu’ng una, walang naniniwala eh. Binabanatan ako. I was subjected to character demolition, lalo na nu’ng election. Alam mo, I spent half of my time sa mga caucuses explaining the lies. At nakakalungkot isipin. And then I had the chance to talk to distinguished personalities, businessmen, at mga religious sector,” aniya.
Aminado rin si Magalong na mabigat ang laban nila kontra sa katiwalian.
“Well, mabigat na laban ito. It's extremely challenging and at the same time dangerous as well. Of course, I fear for the safety of my family. Not so much sa akin. Galing naman tayo sa ganyan, sa giyera,” sabi niya.
Sa kabila ng lahat, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Magalong para sa Pilipinas.
“As politicians, it's about time na talagang embrace namin ‘yung real essence of public service. At tama na, tama na. Mahiya na po tayo,” ani Magalong.— mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
