Kailangan ang maraming kamay upang mahatak sa baybay ang lambat na inilatag ng mga mangingisda sa laot sa Pamplona, Cagayan Valley dahil sa sobrang bigat nito dahil puno ng laman. Ngunit sa halip na matuwa ang mga tao sa dami ng huli, nadidismaya sila kapag nakita na ang laman ng lambat na puro pala asul na dikya na kung tawagin ay Lulu.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita na mahigit sampung tao ang nagtulong-tulong na maiahon ang dambuhalang lambat sa pampang. Pero ang kanilang nalambat, hindi lang mga isda kundi maging sandamakmak na lulu o blue blubber jellyfish.

Ganito raw ngayon ang madalas na nangyayari sa mga mangingisda sa lugar dahil panahon ng pagdagsa ng mga lulu. Ang ibang mangingisda, sumisisid na kapag naglatag ng lambat sa dagat upang mailayo ang mga lulu.

May pagkakataon na nadidikitan ng lulu ang mga sumisisid na mangingisda at nagdudulot ito ng matinding kati at hapdi sa kanilang balat.

Pagdating sa pampang, kinakaskas ng buhangin ng mga mangingisda ang parte ng katawan na nadikitan ng dikya para maalis ang pangangati. Pero payo ng dalubhasa, hindi ito dapat ginagawa, at sa halip, maaari na lamang buhusan ng suka ang parte ng balat na nadikitan ng dikya.

Dahil sa dagsa ang dikya sa dagat, sinabi ng mga mangingisda na mas kakaunti ngayon ang isda na kanila nahuhuli. Dagdag na trabaho rin sa kanila ang pag-alis muna sa mga dikya sa lambat para makuha ang mga nalambat na isda.

Wala raw ibang pakinabang sa mga lulu kaya itinatapon nila ang mga ito at iniiwan lang sa tabing dagat.

Kung dati ay nakapag-uuwi raw ng P1,000 sa bawat araw ang bawat kasama sa grupo ng mga mangingisda, ngayon ay pang-ulam na lang ang kanilang naiuuwi sa pamilya.

Ang ibang bata, matiyagang binubuksan naman ang ibang dikya sa pag-asang may makukuha silang maliliit na isa na nakaipit sa loob nito. Ang maiipon na mga isda mula sa dikya, naibebenta raw sa halagang P100 kapag umabot ng isang kilo.

Pero ligtas bang kainin ang mga isda na nakuha mula sa dikya? Bakit nga ba napakaraming lulu sa dagat at bakit kulay asul ang mga ito? Alamin ang mga kasagutan sa video ng ito ng “KMJS.” –FRJ GMA Integrated News