Hinangaan ang isang pulis dahil sa makapigil-hininga niyang pagsunggab sa kutsilyo na hawak ng isang hostage-taker para mailigtas ang buhay ng isang binata sa Baliwag, Bulacan. Ang bayaning pulis, aminadong nakaramdam din siya ng takot nang sandaling iyon.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” mapanonood ang footage na kuha ng isang netizen na makikita ang isang lalaki na hawak ang isang patalim sa isang kamay, habang hostage ang isang binatilyo. Ang binatilyo naman, tila nakikiusap sa suspek.

Sa harap ng isinasagawang negosasyon, nakahanap ng tiyempo ang bayaning pulis na sinunggaban ang hawak na patalim, at itinumba niya ang hostage-taker.

Nang matumba, tumulong na rin ang iba pang pulis, maging ang biktima para tuluyang madakip ang suspek.

Kinilala ang pulis na si Police Master Sergeant Francis Damian ng Baliwag Bulacan Police Station. Aniya, una siyang nadestino sa lugar noong 2018, kaya naman ordinaryong araw na para sa kaniya ang magpatrolya noong Agosto 13, 2025.

Ngunit noong gabing iyon, napasabak siya sa isang malaking misyon dahil sa pag-aamok sa palengke ng lalaking tila wala sa huwisyo. Napag-alaman na may dalawang biktima sa paligid ang plano rin niyang saktan bago niya hinablot ang binatang pahinante na ginawa niyang hostage.

“Madaling araw noong August 13, tumawag po 'yung station sa amin habang nagpapatrolya kami na meron nga pong nananaksak sa public market. Naabutan nga ho namin, may hawak na siyang hostage. Nakatutok na 'yung kutsilyo doon sa bata. Dadaanin natin sa maayos na negosasyon. Sana wala hong masaktan,” sabi ni Damian, na unang beses napasabak sa hostage taking.

Aminado si Damian na siya mismo ay nakaramdam din ng takot.

“Nasa isip ko po noon na sana walang mangyaring masama. Kung magagawan ko ng paraan, gagawin ko po,” sabi niya.

Hindi na tumagal ng isang oras ang hostage-taking dahil habang mainit ang tensiyon, dahan-dahang lumapit sa likod ng hostage-taker si Damian.

Nang nakakuha ng tiyempo habang nalilibang ang hostage-taker sa kumakausap sa kanila, sinunggaban na ni Damian ang patalim ng suspek.

Matagumpay na nagtapos ang tensyonadong tagpo at ligtas na nakalaya ang biktima mula sa hostage-taker.

Natunton ng Good News sa Candaba, Pampanga ang isa pang naging biktima sa pananaksak na itinago sa pangalang “Mark,” isang security guard.

“Nakarinig po ako ng pagsigaw ng isang batang babae. Napatayo na po ako. Nakita ko po, halos akbay ng lalaking may dalang kutsilyo na parang tatangkain, sasaksakin. Kaya napilitan na po ako na rumesponde po sa bata,” sabi ni Mark.

Ngunit si Mark, nasaksak sa may tagiliran at dibdib pero nakaligtas.

Bagama’t nag-alala, proud ang asawa ni Damian na si Benilda, na isang non-uniformed personnel ng PNP, sa ginawa ng kaniyang mister.

“Hindi ko po talaga po alam na nandoon po siya. Unang kita ko po doon sa video natakot po agad kasi nakita ko po responde po ‘yun eh. Proud po kami sa kaniya sa ginawa po niya na ‘yun,” sabi ni Benilda.

Nagtapos ng Industrial Technology si Damian ngunit tila “calling” niya ang pagpupulis.

Bagama’t tutol ang mga magulang sa kaniyang pagpupulis, kumuha at nakapasa si Damian sa entrance exam ng National Police Commission o NAPOLCOM.

Dahil sa kaniyang kabayanihan sa pagligtas ng buhay ng hostage victim na si Abdul Nadjib Nadjer, pinarangalan si Damian ng NAPOLCOM.

Tunghayan sa “Good News” ang muling magkakausap via video call nina Damian at ang binatang kaniyang iniligtas na si Abdul, na nasa Mindanao na. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News