Nalagay sa panganib ang buhay ng isang rider nang mahulog siya at ang kaniyang motorsiklo sa nakatiwangwang kanal na sinasabing planong linisin sa Chaziabad, Pradesh sa India.
.Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang rider na nakasakay sa kaniyang motorsiklo at umatras para magmaniobra. Pero sa kasamaang-palad, lumusot ang huling gulong niya sa butas, hanggang sa magtuloy-tuloy na mahulog kasama siya.
Makikita rin na may nakausling mga bakal sa hukay na mabuting hindi tinamaan ng rider.
Ilang sandali na nakalubog ang rider sa maduming tubig. Mabuti na lang na hindi kalaliman ang tubig sa kanal, pero hindi siya makaahon na mag-isa dahil mataas ang kaniyang binagsakan.
Nangyari ang insidente sa labas ng isang palengke. Ayon sa kinatawan ng mga residente sa lugar, mahigit isang buwan nang nakatiwangwang ang butas para daw linisin. Pero sa hindi pa sa malaman kung bakit iniwan na lang nakatiwangwang ang kanal.
Hanggang sa may dalawang bata ang nakakita sa kaniya sa loob ng kanal. Ang mga bata ang humingi ng tulong para sa kaniya.
Ilang sandali lang, may isang lalaki ang dumating na may dalang hagdanan para makaahon siya.
Hindi naman malinaw sa local report kung sino ang namamahala sa naturang butas, sinabi sa ulat na ilang beses na rin daw na inireklamo ito pero walang aksyon na nangyari mula sa kinauukulan
Marami rin daw manhole at drainage ang walang takip sa naturang lungsod na madalas daanan ng mga tao kaya maaaring magdulot ng panganib.
Wala pang pahayag tungkol ditto ang kanilang lokal na pamahalaan.—FRJ GMA Integrated News.
