Humantong sa malagim na kamatayan ang away ng isang mag-asawa matapos tamaan ng bucket ng backhoe at maipit ang isang mister at masawi sa Valencia City, Bukidnon. Ang nag-o-operate o nagpapatakbo ng backhoe, ang kaniyang misis.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing parehong 34-anyos ang nasawing mister at ang kaniyang misis, na dati na umanong nag-aaway at umabot na sa korte.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa trabaho noong Sabado ang suspek na ginang bilang operator ng backhoe, nang dumating ang kaniyang mister at binato ang babae.

Para protektahan ang sarili, ginalaw umano ng ginang ang bucket ng backhoe para iharang sa kaniya pero tinamaan pala nito ang kaniyang mister at naipit.

“Out of fear, itong babae para hindi siya matamaan gi-cover niya ng bucket itong backhoe. On which wala niya mabantay along the way naipit natong husband niya sa bucket sa backhoe. So naka-sustain ang husband niya ng serious injuries sa different part sa katawan niya,” ayon kay Bukidnon Police Provincial Office Spokesperson Police Major Jayvee Babaan.

Ayon sa pulisya, dati nang inirereklamo ng ginang ang umano’y pananakit sa kaniya ng mister. Katunayan, may utos na umano ang korte na bawal lumapit ang biktima sa kaniyang misis.

“May permanent protection order itong babae galing sa court against sa victim. So, supposedly hindi na dapat naglapit itong biktima sa suspek natin,” ani Babaan.

Dinakip ang suspek dahil sa insidente pero pinakawalan din noong Lunes dahil walang nais sa pamilya na magsampa ng kaso laban sa ginang.

“Update naman natin yesterday Monday, na-release itong suspek kay wala man nag-file na complaint against sa suspek,” sabi ni Babaan. – FRJ GMA Integrated News