Ang alak na hindi nawawala sa mga kasiyahan, puwede rin palang gamiting pangluto para pasarapin ang ilang lutuin gaya “nilasing na manok.” Alamin kung literal bang nilalasing muna ang manok bago lutuin.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang nilasing na manok recipe ni Gebboi Garcia, na mawawala umano ang pagkalasing ng tao kapag natikman.
Kuwento ni Garcia, mahilig siyang mag-eksperimento sa kusina kaya sinubukan niyang gumawa ng pulutan mula sa manok at rum, na turo ng kaniyang hipag.
“Minsan nag-iinuman kami and ‘yung pinsan ko nabanggit niya sa akin na ‘yung rum ay nakakalambot ng karne. Naisipan kong gawin, sinubukan kong pakuluan ‘yung manok sa rum, at unti-unti habang tumatagal nadadagdagan nang nadadagdagan ‘yung aromatics na ginagamit ko,” sabi ni Garcia.
Ang rum ay nanggagaling sa malapot at matamis na katas ng tubo o molasses, na pinaiikot sa proseso ng fermentation at distillation.
Bukod sa masarap sa inumin, ginagamit ding pampalasa ang rum sa mga putahe.
Kabilang sa mga pampalasa ni Garcia ang sibuyas, bawang at luya. Ibibuhol naman ang tanglad, dahon ng laurel, buong paminta at asin.
“‘Yung rum matamis ‘yan. ‘Pag nag-evaporate ‘yung alcohol, pinakuluan natin ito, maiiwan diyan ‘yung tamis. At saka ‘yung rum, kapag nilagay mo sa karne, nakakatulong siyang mag-tenderize, lalambot ‘yung ating karne,” sabi niya.
Matagal nang ginagamit ang alak sa pagluluto, gaya ng mga sinaunang Romano na kabilang sa pinakaunang sibilisasyon.
Nakalimbag ito sa sinaunang Romanong cookbook na De Re Coquinaria libong taon na ang nakalilipas.
Nakapagpapalambot din ng karne at nakatutulong sa pagpreserba at pagpapabango ng pagkain ang alak.
Panoorin sa “I Juander” ang proseso ng pagluluto ng nilasing na manok ni Garcia. – FRJ GMA Integrated News
