Dahil sa isang aksidente, tinanggalan ng isang mata ang isang 64-anyos na lola. Pero kahit isa na lang ang kaniyang paningin, at tila nagkabutas pa sa mukha dahil sa inalis na isang mata, hindi siya sumusuko sa buhay at ngayon ay pagtitinda ng mga basahan.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Nanay Rosita Monteclar, taga-Naic, Cavite.
Maaga pa lang, hinahanda na ni Nanay Rosita ang mga basahan na kaniyang inangkat at ni-repack para ibenta. Masuwerte na umano kung kumita siya ng P400.
Ngunit may hika rin si Nanay Rosita kaya may mga pagkakataon na hinihingal siya habang nagtitinda. Kung hindi naman nagbebenta ng basahan, katuwang ni Nanay Rosita ang asawang si Tatay Isagani sa pangangalakal.
Bagaman mapagmahal sa kaniyang mga apo, napag-alaman naman na pinagkaitan ng pagmamahal si Nanay Rosita noong bata pa siya.
“Binubugbog ako ng tatay ko, lumayas ako sa amin. Nag-asawa ako, pinasukan ko labandera, katulong, namamalantsa tapos namamasura,” ani Nanay Rosita.
Nagtatrabaho si Nanay Rosita bilang kasambahay sa kaniyang amo noong 2016 nang maaksidente siya.
“Pagwalis kong ganoon, natapos na ako. Tamang tama pagbukas ng amo ko, na-gano’n (tinamaan sa mukha) ako, dito tumama sa nguso. Hanggang ngayon, namamaga ‘yan,” sabi niya.
Umabot ang pamamaga sa kaniyang mata pero hindi niya pinansin sa pag-aakalang mawawala rin ito.
Ngunit nang hndi nawala ang pamamaga pagkataan ng isang taon, nagdesisyon na ang amo ni Nanay Rosita na dalhin siya sa doktor.
Inirekomenda ng doktor na tanggalin na ang mata ni Nanay Rosita, at pumayag naman siya.
Makalipas ang operasyon, tinahi ang butas sa kaniyang mata. Ngunit dahil ilang beses na natatanggal ang tahi, hinayaan niya na lamang itong nakabukas.
Dahil tila nabutas ang kaniyang mukha nang mawala ang isa niyang mata, hindi maiwasan ni Nanay Rosita na naawa siya sa sarili.
“Hindi ako nananalamin. Naaawa ako sa sarili ko. Lumuluha ako siyempre, sarili mo wala kang mata sa kabila, butas pa,” sabi niya.
Sa kabila nito, nagpatuloy sa buhay si Nanay Rosita at kumakayod pa rin. Nagsisilbi rin niyang liwanag si Tatay Isagani.
“Mabait siya tsaka masipag. Maasikaso siyang asawa saka ina, tsaka ng mga apo ko. Kahit anong mangyari, diyan pa rin ako sa kaniya. Mamatay ako o mamatay siya, magsasama-sama kami. Talagang mahal ko ‘yan. Wala nang iba,” sabi ni Tatay Isagani.
Hanggang sa nakilala ni Nanay Rosita ang 29-anyos na si Cherie Poblete, na nag-upload ng kaniyang video sa social media. Pagka-upload sa social media, dumagsa ang mga tulong para sa kaniya gaya ng grocery at bigas.
Upang malaman ang kalagayan ng mukha ni Nanay Rosita matapos na tanggalin ang isa niyang mata, sinamahan siya ng “Good News” na masuri ng espesyalista. Alamin kung ano ang rekomendasyon ng mga doktor tungkol sa kaniyag mata. Panoorin ang buong ulat. – FRJ GMA Integrated News
