Nahuli-cam ang pagtulak, pagkutos at paninipa ng isang nakatatandang lalaki sa dalawang menor de edad na kaniyang kapitbahay sa San Pedro, Laguna. May pananagutan ba ang nakatatanda sa kaniyang ginawa sa mga bata? Alamin.
Sa Ask Atty. Gaby sa Unang Hirit nitong Martes, mapanonood ang kuha ng CCTV camera ang tatlong bata na nasa tapat ng gate ng isang bahay kung saan isa sa kanila ang nililinis ang lente ng camera.
Ilang saglit lang, dumating ang kapitbahay nilang babae at kinausap ang tiyuhin ng isa sa mga bata, na ka-video call ng magkakaibigan.
Noong pinagsasabihan sila ng babaeng kapitbahay, dumating ang asawa ng babae at itinulak ang isang bata, at kinutusan ang isa pa.
Habang papasok ang umiiyak na bata sa gate, sinipa pa siya ng lalaki, na inaawat ng isang babae.
Paliwanag ni Atty. Gaby, ipinagbabawal ang kahit na anong uri ng pananakit, gaya ng pangungutos at pananadyak, na isang krimen ng physical injuries sa ilalim ng batas.
Batay sa Article 266 ng Revised Penal Code, ang pagdulot ng physical injuries na may ebidensya ng pananakit ngunit hindi nangangailangan ng medical attendance, gaya ng black eye o pasa, ay maituturing slight physical injuries na may parusang kulong na isang buwan, o piyansang P40,000.
Kung kaso naman ito ng pagmamaltrato ngunit walang ebidensya ng pananakit, walang pasa o black eye, may kulong ito ng hanggang 10 araw o piyansang hanggang P5,000.
Kung ang isang tao naman ay may record na kriminal ng pananakit, maaari itong maituring na kaso ng child abuse sa ilalim ng Republic Act 7610.
At kung ito ay ginawa sa harap ng mas maraming tao o may layong pahiyain o may kasamang maaanghang na salita, pangungutya, pang-iinsulto o may threat o pananakot, mas mataas ang parusa nito sa ilalim ng Republic Act 7610, na mababa na sa anim na taon at isang araw, hanggang walong taon.
“So dahan-dahan po tayo sa pagtrato sa mga kabataan lalo na nga, kaya nga nakakainis naman ito, lalo na kung hindi niyo kaano-ano,” sabi ni Atty. Gaby.
Depensa ng lalaking nanakit, ilang buwan na umanong nag-iingay ang mga bata at naka-aabala sa online class ng kanilang anak at sa pagtulog nila.
Ano nga ba ang nararapat gawin kapag maingay ang kapitbahay?
Kung matatawag na “regular street sounds” lamang gaya ng mga batang naglalaro o nagtatawanan, dumadaang sasakyan o naghuhuntahan na mga kapitbahay, dapat na itong hayaan.
Ngunit kung may mga kapitbahay na nagka-karaoke mula umaga hanggang hapon o dis-oras ng gabi, na hindi na tama, baka maaari pa itong madaan sa magandang usapan, ayon kay Atty. Gaby.
Pero kung hindi ka-close, mas mabuting makipag-usap na sa barangay para ipaalam ang ingay ng kapitbahay.
“Pero of course, kung araw-araw naman mahirap din [patunayan], kaya't siguro dapat magkaroon kayo ng talaan. Kailan? Anong oras? Gaano kadalas nangyayari? Magkaroon ng ebidensya. Dapat magkaroon ng litrato, CCTV o iba pang recording,” payo ni Atty. Gaby.
Alamin din kung may ordinansa sa lokalidad tungkol sa ingay o iba pang proseso ukol sa paghawak ng mga reklamo.
“Magkakapitbahay dapat ay namumuhay nang maayos at may pasensiyahan. Ang hirap ng may kaaway, hindi kayo matatahimik, lalo na kung magkapitbahay,” payo ni Atty. Gaby. – FRJ GMA Integrated news
