Naglabas ng video statement si Rufa Mae Quinto kaugnay sa pagkamatay ng kaniyang mister na si Trevor Magallanes nitong nakaraang Hulyo.

Sa vlog na may pamagat na, “Nagpakatotoo si Rufa Mae!” na inilabas nitong Huwebes sa YouTube, sinabi ng actress- comedienne na walang foul pay sa pagkamatay ni Trevor.

“Walang foul play, hindi nag-suicide, at tsaka oras na niya. Ang tawag don sudden death, ‘yun po ang sabi sa autopsy,” ayon kay Rufa Mae, na binigyan-diin na “natural” ang dahilan ng pagpanaw ng kaniyang asawa.

“Bata pa siya, pero ganun talaga siguro,” saad niya.

Sinabi ni Rufa Mae, na hindi niya ito inilahad noong una dahil sa pangambang makaapekto sa anak nilang si Athena ang magiging komento at haka-haka ng mga tao sa internet.

Ngayon, ibinahagi na niya ang dahilan ng pagpanaw ni Trevor,  “para lang din magka-closure na din ako, ‘yung anak ko, pamilya niya, pamilya namin, kaibigan."

Nais din niyang magkaroon ng katahimikan ang kaniyang mister, maging siya at ang kanilang anak.

Bilang asawa, sinabi ni Rufa Mae na nagpunta siya sa US para kunin ang labi ni Trevor, at mabigyan ito ng maayos na burol. Hindi umano naging madali ang lahat dahil wala siyang masyadong kaibigan sa lugar.

“Walang traumatic,” saad niya. “Hindi ko ma-explain ‘tong nararamdaman ko, basta at least nasagot ko na ‘yung part na ‘yon sa inyong lahat sa sinabi kong statement.”

Sa video, ipinakilala ni Rufa Mae ang nakatatandang kapatid ni Trevor na si Jesse, na nagsabing nasa pamilya nila ang heart attacks, na ikinamatay din ng kanilang lolo, tiyuhin, at ama.

July 31 nang ihayag ni Rufa Mae ang malungkot na balita tungkol sa pagpanaw ni Trevor bagaman hindi pa raw niya alam noon ang buong impormasyon sa dahilan ng pagkamatay ng kaniyang asawa.

Bagaman nagkaroon ng problema sa kanilang pagsasama, sinabi ni Rufa na hindi annulled ang kanilang kasal.

Taong 2016 nang ikasal sina Rufa at Trevor, at nagkaroon sila ng anak na si Athena sa sumunod na taon.— mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News