Isang kaawa-awang aso na basang-basa at na-trap sa gilid ng ilog habang malakas ang ulan ang sinagip ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Batangas City.
Sa video ng "For You Page" na naka-post sa Facebook page ng GMA Public Affairs, makikita na nakasiksik sa gilid ng ilog na may bato ang takot na takot na aso habang rumaragasa ang tubig.
Sinubukan ng mga tauhan ng BFP na nasa itaas ng ilog na maghulog ng timba sa aso sa pag-asa na kusa itong papasok sa loob upang mahila nila pataas.
Gayunman, lumapit lang ang aso sa timba pero hindi ito pumasok. Maya-maya lang, bumalik sa dati niyang puwesto ang aso na hindi siya maaabot ng malakas na agos ng tubig upang hindi matangay.
Dito na nagpasya ang mga rescuer na bumaba ang isa sa kanila habang nakatali upang makuha ang aso.
Nang nasa ibaba na ang tauhan ng BFP, maingat niyang kinuha ang aso na hindi naman naging agresibo.
Inilagay niya ito sa loob ng timba at saka hinila ng kaniyang kasama paitaas.
Ligtas din na nakaakyat kinalaunan ang bumabang tauhan ng BFP.
Madidinig sa video ang boses ng isang babaeng residente na paghanga sa ginawang malasakit ng mga tauhan ng BFP sa pagsagip sa aso.
“Siyempre dahil maulan, buwis-buhay din kahit papaano. Pero bilang isang tagapaglingkod, tagapagligtas ng buhay--kahit anong buhay --siyempre po hindi po natin masasabi na napakadali. Napakahirap po kahit ito’y aso lamang. Maraming maraming salamat sa ating mga mahal na taga-fire protection ng Batangas City,” saad ng babae sa video. – FRJ GMA Integrated News

