Nakalaya na ang 32-anyos na si Alvin Karingal na tinaguriang “Fishball Warrior” ng mga netizen matapos ang mahigit isang linggo sa kustodiya ng pulisya. Inaresto siya kasama ang iba pang raliyista bunsod ng kaguluhan sa protesta kontra sa katiwalian noong Setyembre 21 sa Mendiola Street, Maynila.
Nasa 216 katao na inaresto ng mga awtoridad matapos sumiklab ang karahasan sa protesta laban sa korupsiyon kaugnay ng umano’y anomalya sa pondo ng flood control projects.
Kinumpirma ni Atty. Maria Sol Taule, Karapatan deputy secretary general, sa GMA News Online ang paglaya ni Karingal.
“He was released yesterday (Lunes, September 29) sa nanay niya,” saad ni Taule via Messenger. “Sa ngayon po, hinayaan muna namin siya and her mother to reunite.”
Dagdag pa niya, ibinasura na ang mga kasong isinampa laban kay Karingal, bagamat hindi niya inihayag kung ano ang mga ito.
Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maaaring kasuhan ng arson, destruction of property, inciting to sedition, at sedition, ang mga nanggulong demonstrador na umano’y binayaran ng mga hindi pinangalanang partido para manggulo at magsunog.
Nag-viral online ang isang video ni Karingal habang nasa protesta, na nananawagan siya na ibaba ang presyo ng fishball, kikiam, at iba pang pagkaing-kalye.
Sa isang panayam sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nilinaw ng ina ni Karingal na si Marianne, na hindi nagtitinda ng street food ang kaniyang anak, pero mahilig itong kumain ng mga ito.
'KMJS': Binansagang ‘Fishball Warrior’ na inaresto sa nangyaring protesta sa Maynila, kumusta na?
Na-diagnosed umano ang kaniyang anak na may schizophrenia, isang mental health condition noong 2018.
“Mahilig siyang makinig ng mga balita, mayroon po siyang pakialam sa bansa lalo na about corruption. Hirap din kami sa buhay, naso-short yung budget namin sa pagkain. Minsan wala kaming ulam,” ayon kay Marianne.
Samantala, itinanggi ng Manila Police District (MPD) noong Lunes ang mga alegasyon ng pagmamalupit sa mga inarestong menor de edad at isang taong may kapansanan na nasa kanilang kustodiya.
Sinabi ng pulisya, tinatrato nila nang naayon sa batas ang lahat ng kanilang hinuli.
Ayon naman sa Commission on Human Rights (CHR), 91 menor de edad ang dumaan sa proseso at beripikasyon ng PNP Women and Children Protection Center at Department of Social Welfare and Development (DSWD) bago sila itinurn-over sa Manila Social Welfare Office.
Sa nasabing bilang, 68 sa mga menor de edad ang naibalik na sa kanilang mga magulang, habang ang mga hindi residente ng Maynila ay inilipat sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan. Nananatili naman ang iba sa youth facility habang hinihintay na sunduin ng kanilang mga pamilya. — mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News

