Kahit na tila “sira na” ang kahulugan ng pagiging “bugok” ng itlog ng itik, may pakinabang pa rin ito at nagagamit pa upang lalong pasarapin ang tradisyonal na merienda ng mga taga-Laguna—ang Bibingkang Abnoy. Ano kaya ang lasa nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng programang “I Juander,” sinabing bagay samahan ng suka at asin ang mukhang pancake na bibingkang abnoy.

Si Nardo Aquino, trabahador sa itikan, ipinakita ang sandamakmak na mga itlog ng itik na inilagay sa incubator para manatiling warm o mainit-init. Gayunman, may posibilidad na maging abnoy ang itlog.

“Kasi hindi naman lahat ng itlog na pinapasok ko riyan, hindi masasabi nating perfect lagi ‘yan. Kasi nagkakaroon din ng penoy abnoy at saka ‘yung may semilya,” sabi ni Tatay Nardo.

Umaabot ng 400 na itlog ang nakukuha ni Tatay Nardo sa loob ng isang araw. Saka niya naman ilalagay ang mga ito sa incubator sa loob ng 25 na araw bago ililipat sa hatcher sa loob ng tatlong araw.

Dito na mapipisa ang itlog at nagiging itik.

Upang malaman kung perfect o nabugok ang itlog ng itik, sinisilip nila ito sa ilaw. Kapag may ugat, maaari itong maging itik. Kapag wala naman, nangangahulugang wala itong semilya at may indikasyon na puwedeng maging penoy o bugok.

Si Teresita Lin, ang paggawa ng bibingkang abnoy ang naging kabuhayan mula noong dalaga pa siya.

Ang mga itlog, babasagin at hahaluin sa isang lalagyan. Pagkatapos ay ililipat sa dahon at isasalang sa apoy sa loob ng 15 minuto. Sinasamahan din ito ng sukang maanghang, at nilalagyan ng nagbabagang apoy sa ibabaw.

“Ang salitang abnoy kasi, kung titingnan natin, ‘yung meaning nito, ‘yung parang medyo hindi normal, ‘pag sinabing abnoy, may toyo ka, may sayad, abnormal. Actually, it's a corrupt word, no, from the word abnormal. So, may mga ibang lugar naman, ‘pag sinabi natin abnoy, hindi naman siya actually bulok, kung hindi ‘yung, kasi bunga ito ng pagiging malikhain din,” sabi ng food and culture historian na si Prof. Jaime Salvador Corpuz.

Magustuhan kaya ng host na si Empoy ang lasa ng bibingkang abnoy? Panoorin ang buong kuwento sa video.– FRJ GMA Integrated News