Sa halip na isipin ang kaniyang sarili, mas inuna pa ng isang may-ari ng sari-sari store ang pagtulong nang ipamigay niya ang kaniyang mga paninda sa mga kapitbahay na kapwa niya nasalanta ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din ng Integrated Newsfeed, ipinakilala si Ethel Unabia sa Bogo City, na nasira ang bahay dahil sa mga malalakas na pagyanig. Nasira rin ang kaniyang munting sari-sari store.
Nagsilbing pantawid-gutom ng kaniyang mga kapitbahay ang kaniyang mga paninda mula sa inutang niyang puhunan, matapos niyang ipamigay ang mga pagkain at inumin sa mga kapwa niya biktima ng lindol.
Ayon kay Unabia, isa ito sa kaniyang mga paraan para maghatid ng saya kahit paano, lalo’t pito sa kanilang mga kapitbahay ang nasawi sa lindol.
“Kailangan din nila ‘yan, hindi naman natin puwedeng sarilinin kasi may emergency. At least walang nangyari sa pamilya ko,” ani Unabia.
Dahil dito, taos-puso ang pasasalamat ng mga kapitbahay ni Unabia dahil kahit maliit na bagay lang para sa ilan ang nakuha nilang pagkain at inumin, malaking bagay na ito para sa mga walang wala matapos ang lindol.
Kasabay nito, dumating din ang iba’t ibang grupo na nagsasagawa ng relief operations sa Cebu, at marami ang naantig sa ginawa ng ilang Cebuano.
Sa abot ng kanilang makakaya, sinusuklian nila ang kabutihan ng mga tumutulong at nagbabayanihan para sa kanilang pagbangon. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
