Sandaling nagtagumpay ang isang lalaki na nakatangay ng P500,000 na pera mula sa isang money changer na kaniyang hinoldap sa Tomas Morato, Quezon City gamit ang laruang baril. Pero hindi nagtagal, naaresto rin siya.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera ang pagpapanggap ng suspek na magpapapalit ng pera. Ilang saglit lang, naglabas na siya ng baril (na laruan pala) at itinutok ito sa empleyado.
Iniabot ng empleyado ang pera sa suspek, na tumakas sakay ng kotse.
Sinabi ng pulisya na nagtatanong noon ang lalaki kung magkano ang exchange rate ng dala niyang euros at dollars.
Matapos magkasundo, tinawag na ng empleyado ang kaniyang kasama para ihanda ang pera.
“Saglit lang lumabas itong suspek, na ‘di umano’y tinawagan ang kaniyang asawa. Pagbalik nga, binuksan ang bag niya, ang akala ng biktima ilalabas na ang euro, dollar. Ang nilabas, baril. Agad tinutukan itong biktima at sinabi niya ‘Ilabas mo lahat.’ Sa takot ng biktima, ibinigay niya itong bag na ito na naglalaman ng P500,000,” sabi ni Lieutenant Colonel Zachary Capellan, Kamuning Police Station Commander.
Nahanap at dinakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang 25-anyos na suspek sa isang condominium sa Pasig City.
Nabawi sa suspek ang parte ng ninakaw na pera na aabot sa P400,000 at isang toy gun na ginamit sa krimen.
“So nagkaroon tayo ng mga backtracking, forward tracking. Pagdating ng two days, natunton natin itong sasakyan na ginamit ng suspek dito sa loob ng isang compound ng condominium,” sabi ni Capellan.
Nakabilanggo na sa Kamuning Police Station ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.
“Not really at this moment. Yeah, no comment,” sabi ng suspek.
Batay sa record ng pulisya, 2023 nang makasuhan ang suspek ng qualified theft.
Sinampahan ngayon ang suspek ng reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
