Masarap man sa panlasa, dapat iwasan ang mga laman-loob at pagkaing matataba dahil nakapagpapataas ang mga ito ng uric acid at blood pressure o altapresyon. Ano nga ba ang uric acid sa katawan, at paano ito maiiwasan na tumaas?
Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” sinabing ang uric acid ay nagmula sa tinatawag na purines o tila mga kristal na namumuo sa ating katawan.
Nanggagaling ang purines sa mga pagkaing laman-loob, ilang seafood at karne. Ngunit kapag lumabis na ito sa ating katawan at hindi na nasasala ng ating bato o kidney, dito tumataas ang uric acid levels.
“Base sa mga pag-aaral, nakita nila na mga 29 to 30 percent mostly men, tapos 18 percent doon sa mga babae na hindi pa sila nagme-menopause. Kapag after menopause, usually tumataas 'yung mga pasyenteng mga babae na mataas 'yung uric acid,” Ayon sa internist mula sa St. Luke’s Medical Center na si Dr. Deborah Ona.
Si Catherine Gamboa, 36-anyos, namaga at sumakit ang mga kasukasuan noong isang taon.
“'Yung parang talagang piniga 'yung buong katawan mo na sobrang tindi 'yung sakit niya. Tapos kapag tatayo ka hindi mo na siya maihakbang. Hindi na ako makagalaw masyado kasi talagang kapag ginalaw mo siya talagang totally masakit talaga siya. Tapos kapag kailangan dahan-dahan ka lang gumalaw kasi sobrang sakit talaga niya,” sabi ni Catherine.
Pagkatingin niya sa doktor, natuklasan niyang mataas ang kaniyang uric acid.
Regular umano siyang uminom ng niresetang gamot, pero inamin ni Catherine na inihinto niya rin ito nang bumuti ang kaniyang pakiramdam. Ngunit nitong Marso, muling nanakit ang kaniyang mga kasu-kasuan.
Ang 54-anyos namang biyenan ni Catherine na si Lucila Arneijo, 2017 nang magka-altapresyon.
Bukod sa nasa lahi nila ang pagkakaroon ng altapresyon, paniwala ni Lucila na kasama rin sa kaniya ang pagod at stress.
“Sumasakit 'yung ulo ko, tapos sumasabay 'yung batok ko ba. Tapos ‘pag nagpapahinga ako nang konti, nawawala naman siya,” sabi ni Lucila.
Bukod sa may nararamdaman, hindi regular na mino-monitor ni Lucila ang kaniyang presyon. Hanggang sa matuklasan niyang mataas ang kaniyang dugo na 140 over 90.
Nagpapahinga na lamang si Lucila at umiinom ng pineapple juice para magamot ang kaniyang sakit.
Tuwing bumubomba ng dugo ang puso, may pressure ang dugo sa malalaking ugat ng katawan. Kapag may bara sa daluyan ng dugo, kailangan ng mas malakas na puwersa para makadaloy ang dugo sa ating katawan, na nagreresulta ng altapresyon.
Normal na blood pressure ang 120 over 80 millimeters of mercury o 120/80 mm HG.
Pero kung nasa 130/80 na ang BP ng isang tao, itinuturing na itong stage 1 hypertensive.
Nararapat na mag-ingat na para hindi na ito lumala pa.
“Dapat lahat ng mga tao, 18 years old and above, alam nila dapat 'yung blood pressure nila. Punta tayo du’n sa 130/80 hanggang 139/89. So 'yung mga pasyenteng ‘yun, may chance na mag-develop sila ng high blood. So dapat ‘pag ganoon na 'yung BP ranges mo, dapat mag-lifestyle modification ka na,” sabi ni Dra. Ona.
“So kung mataba ka, kailangan magpapayat ka. Kung masyado kang kumakain ng maaalat, kailangan bawasan mo 'yung pagkain ng maaalat. Tapos mag-exercise,” dagdag ng doktora.
Kung sa bahay kukunin ang blood pressure level, dapat itong kunin sa umaga pagkagising at nakaihi na. Kung nanggaling naman sa labas, dapat nakapagpahinga muna ng 15 minuto.
Maaari namang ipagawa sa isang laboratoryo ng ospital ang blood uric acid test.
“Wala talagang recommendation kung kailan. Kung asymptomatic hyperuricemia ka, usually nakikita ‘yun, basically kung meron kang comorbid conditions, 'yung mga risk factors. Kung obese ka, kung hypertensive ka, kung umiinom ka ng alak or may chronic renal disease ka. Usually doon nila kinukuha 'yung uric acid levels. Pero once asymptomatic ka, usually mino-monitor na ‘yan every time,” sabi ni Dra. Ona.
Normal na antas ng uric acid para sa mga babae ang 2.5 hanggang 7.5 mg per deciliter, at 4 hanggang 8.5 mg per deciliter naman para sa mga lalaki.
“Depende rin doon sa kinakain nila, sa iniinom nilang tubig, saka kung nage-exercise sila. Kasi malaking bagay 'yung pag-inom ng maraming tubig, kasi sabi nga natin na ilalabas mo ‘yan sa ihi 'yung uric acid. Tapos malaking bagay rin kung nag-e-exercise ka,” ani Dra. Ona.
Para mapanatiling nasa normal range ang presyon at antas ng uric acid, kailangang umiwas sa ilang pagkain gaya ng matataba, maalat, at mataas ang purine content. – FRJ GMA Integrated News
