Bago nakilala bilang stand-up comedian at impersonator ni Nora Aunor, ikinuwento ni Ate Gay, o Gil Morales sa tunay na buhay, ang mga pinagdaanan niyang trabaho noon. Kabilang dito ang pagiging janitor at tagahugas ng pinggan.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inihayag ni Ate Gay na isinilang siya sa Tundo, Maynila, at mula sa mahirap na pamilya.

Aniya, nagpapataya noon ng jueteng ang kaniyang ina, at siya ang naging kolektor ng mga taya noong bata pa siya.

Pinagsabay din noon ni Ate Gay ang pag-aaral at pagtatrabaho kung saan naranasan niyang maging janitor, dishwasher, at naging bahagi rin ng “singing cook and waiters” sa isang restaurant.

Nang minsan siyang pumasok sa comedy bar na Music Box, sinabi ni Ate Gay na kumanta siya ng sikat na theme song na “Konting Awa” sa pelikulang "The Flor Contemplacion Story," na inawit at pinagbidahan ni Nora.

Ayon kay Ate Gay, nadinig siya ng may-ari ng bar na isang Noranian, at inakalang nagli-lip sync siya dahil kaboses niya si Nora. Doon na umano siya nagsimula na magtrabaho sa comedy bar.

Giit ni Ate Gay, hindi niya itinuturing ang sarili na isang magaling magpawa. Marahil umano ay nararamdaman lang ng mga tao ang puso niya na nais niyang magpasaya.

Pero nang tanungin si Ate Gay kung ano ang plano niya kapag natapos na ang pagpapagamot niya sa kinakaharap niya laban sa stage 4 cancer na Nasopharyngeal Carcinoma, nagpatawa siya na magpapa-balakang at magpapalagay siya ng dibdib.

“Magpapahinga, babalik sa comedy bars,” sunod niyang seryosong sagot.

Babalik din umano siya sa pagso-show sa mga probinsya at maging sa iba bansa. Tutulong din umano siya sa mga maysakit, gaya ng mga pa-show.

Sa ngayon, sinabi ni Ate Gay na umimpis na at hindi na nagdurugo ang bukol niya sa leeg matapos siyang sumailalim at patuloy na sumasailalim sa radiation at chemo therapy.

Bagaman stage 4 ang kaniyang cancer, sinasabihan naman siya ng mga duktor na malaki ang chance ng kaniyang paggaling dahil hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng kaniyang katawan ang cancer.

“Kumbaga may chance, malaki ang porsiyento na gumaling, na mawala yung cancer,” dagdag niya.

Ayon sa radiology oncologist na si Dra. Jaymee Fernandez-Ramos, maganda ang response ni Ate Gay sa gamutan. Gayunman, hindi inaalis na may chance na mag-recur umano o kumalat sa ibang parts ng katawan ang cancer.

Sa kabila ng kinakaharap na laban sa cancer, labis ang pasasalamat ni Ate Gay sa lahat ng tulong na kaniyang natatanggap.

Patuloy din siyang nagdarasal sa kaniyang paggaling.

“Magaling si Lord, binibigay sa’yo yung mga handang tumulong,” ani Ate Gay.

Nanawagan din siya sa gobyerno na tulungan ang mga katulad niyang  may cancer na hindi napapagamot dahil sa kawalan ng kakayanang pinansiyal.—FRJ GMA Integrated News