Nilinaw ni Jillian Ward na nagmula sa kaniyang pinaghirapan bilang isang artista ang ipinambili niya ng isang mamahaling kotse, at maging ang gastos nang pagdiriwang niya ang kaniyang 18th birthday. Wala rin umano siyang “benefactors” at wala ring “secret baby.”
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, binasag ni Jillian ang kaniyang pananahimik at mariing pinabulaanan ang mga malisyosong alegasyon sa social media gaya ng pagiging sugar baby umano niya para matustusan ang magarbo raw niyang lifestyle.
Paglilinaw ni Jillian, second-hand lamang ang binili niyang mamahaling sasakyan na Porsche Boxster.
“So, it started po when I was 16. Bumili po ako ng Porsche Boxster. Meron po akong naging endorsement deal at the time. Skincare brand siya… It was a second-hand car. Nabili ko po siya for P1.2 million. May deed of sale din po ako. May receipt po ako. My dad has it,” paliwanag ng aktres.
“Tapos ang kinakalat po nila ay sobrang mahal daw niya. Tapos may nagbigay daw sa akin. E binili ko po 'yun with my own money, Tito Boy. Lahat ng meron ako, binili ko with my own money. With my own hard work, money,” giit ni Jillian.
Ayon pa sa aktres, “it's all fake” ang mga kumakalat na malisyosong kuwento na ibinabato tungkol sa kaniya.
“Sobrang nakakabastos po siya kasi sobrang below the belt na po ‘yung mga ginagawa nilang kuwento,” aniya. “It's all fake. Lahat po nang meron ako, I bought it with my own money. And 'yung car po na ‘yun, hindi siya kasing mahal na sinasabi nila. Lahat po 'yan, may receipt po ako. Lahat ng investments ko. I'm very open about it.”
Pagdating naman sa kaniyang debut, ibinahagi ni Jillian na tumulong sa kaniya ang Kapuso Network at iba pang sponsor para sa mga gastusin.
“So 'yung debut ko po, even 'yung GMA, nag-share po sila for my debut. Yes po, sa gastusin. 'yung mga endorsements ko po, nag-give love din po sila para 'yung costings of my debut is hindi sobrang mahal. 'yung gown ko po was a gift from Mak Tumang. Even my cakes were gifts from Tita Pinky Fernando. So lahat po yun, hindi po ko sobrang gumastos, honestly. And nag-share din po talaga 'yung GMA,” patuloy ni Jillian.
Mariin pang pinabulaanan ni Jillian na hindi ito nagmula sa mga “sponsor” na pinapalabas ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon na tinatagpo umano niya sa mga hotel.
“'Yun nga po gusto ko sabihin sa kanilang lahat kasi sinasabi nila, pati po sa mga comment, kinakalat nila na meron daw CCTV footage. Pumupunta raw ako doon sa hotels to be with old men na binibigyan po ko ng cars or inii-sponsor-an 'yung debut ko. It's not real,” giit ni Jillian.
“And kung meron silang CCTV footage, I dare them na ilabas po 'yun kasi wala po talaga. And sana kong maglalabas sila, hindi AI [artificial intelligence],” hamon ni Jillian sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa kaniya.
Ayon sa kaniya, “nakaka-frustrate” na apat na taon siyang nanahimik at hindi niya maipagtanggol ang sarili, bago siya nagdesisyong tuldukan na ito.
Mariin pang pinabulaanan ni Jillian na mayroon siyang “secret baby.”
“It's not true. Lahat po ng mga sinasabi nila hindi po totoo. Lahat po na meron ako, I got it with my own money, I don't have a secret baby and very open po ako,” sabi niya.
“Open ako sa mga fans ko, open ako sa GMA, kilala po ako ng GMA. Alam nila paano ako tumanda sa industry na ‘to, and I’m very open with my parents. Lahat ng friends ko, wala pong katotohanan sa lahat ng sinasabi po nila and I'm very confident about that,” ayon kay Jillian.
Aminado si Jillian na nakadagdag din sa bigat ng kaniyang kalooban ang naging problema sa kaniyang mga magulang na naghiwalay.
“Honestly po, sobrang naging mahirap po siya for me kasi kailangang pumagitna ako sa parents ko tapos habang nangyayari ‘yun, meron mga fake issues about me. Na kada bubukasan ko 'yung Facebook, TikTok, even Reddit. May mga kuwento po about me na hindi totoo,” kuwento niya.
“'Yung parents ko po when they were going through a tough time so ayoko din silang guluhin, istorbohin sa mga nangyayaring issues sa career ko. So maging mahirap po talaga siya kasi somehow I had to face it alone. Especially nu’ng minor po ako when it started I was 16,” patuloy niya.
Ayon kay Jillian, lahat ng mga nakikita ng tao sa kaniyang social media ay bunga ng kaniyang mga pinaghirapan.
“Again everything I have, everything I own, everything I post, everything I flex, I bought it with my own money. Alam po ng GMA 'yan. Alam po ng lahat ng kaibigan ko 'yan. Alam po 'yan ng buong GMA. Alam mo po 'yan, Tito Boy. I would not lie about that,” pahayag niya. – FRJ GMA Integrated News
