Pinatunayan ng isang padre de pamilya na hindi lahat ng nagtatrabaho sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tiwali. Katulad niya na tumangging pirmahan ang isa umanong maanomalyang proyekto na ang naging kapalit ay ang pagkakasibak niya sa trabaho, at maranasan ng kaniyang pamilya ang hirap ng buhay.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang padre de pamilyang si Renato Herrera na taga-Bamban, Tarlac, na dating naging Engineer 2 sa DPWH Region 3 Office taong 1996.

Nadestino sa mga river channeling at pagtatayo ng mga dike, nabigyan ni Renato ng maginhawang buhay ang kaniyang misis na si Marylyn at apat nilang mga anak. Napag-aral niya noon sa private school ang mga bata at nakakapamasyal silang pamilya.

Sa kabila nito, mayroon na raw noon na iilan silang kasamahan sa opisina ang hindi gumagawa ng maganda.

“Matagal na. Siguro, nandu’n na ‘yun. May katiwalian na. Hindi po lahat, mababait po ang mga kasama ko. May ilang grupo lang na nagkaroon ng interes, bakit sila gumawa ng katiwalian,” kuwento ni Renato.

Hanggang sa isang araw, nilapitan umano si Renato ng “tukso” nang may pinapirmahan sa kaniyang dokumento para sa mga gagamiting materyales sa isang proyektong napansin niyang kahina-hinala.

“‘Yung project ay nagkakahalaga ng P15 million. Nakita ko doon na dinadagdagan nila. Na-review ko 'yung mga item na naka-jack up, nasa mga P5 million pa lang na ganoon na kukubrahin nila. May mga pangako sila, ‘Kami na ang bahala sa iyo, sir,’” sabi ni Renato.

“Hindi pa rin ako nagpatinag kung ano lang 'yung totoo dapat, 'yun lang ilalagay,” giit niya sa pagtanggi niyang pirmahan ang proyekto.

Hanggang sa ilang araw ang nakalipas, inalis na siya bilang resident engineer at nabalitaan niya na lamang na iba na ang nakapuwesto sa kaniyang posisyon.

Alam niya na ang dahilan ng pagkatanggal niya sa posisyon ay ang hindi niya pagpayag na pirmahan ang sa tingin niya’y maanomalyang proyekto.

Sa pagkakatanggal niya sa trabaho, nakaranas siya ng hirap at ang kaniyang pamilya.

“Tinanggap na lang namin. Nanghinayang lang ako dahil maganda ang trabaho ko. Nag-adjust ang aming lifestyle. Naranasan ko 'yung mga downfall sa kahirapan. Naranasan din namin na ma-transfer 'yung mga bata sa public school na dating nasa private school,” aniya.

“Dumating sa point na bibili kami ng isang pack ng noodles, dadagdagan ng tubig para lang magkasiya sa amin,” dagdag ni Marylyn.

Si Renato, wala na raw magawa kung hindi ang maawa sa kaniyang mga anak.

Dumagdag pa sila sa pagsubok nila sa buhay ang sunod-sunod na pagkaka-ospital ang kanilang mga anak.

“'Yung bunso at saka 'yung pangalawang bunso ko, nagkasakit sila nu’n dengue and typhoid fever magkasabay. 'Yung bunso kong anak na lalaki, muntik na po siya talagang mamatay,” ani Marylyn.

"Sumigaw talaga ako, ‘Lord, huwag Mong kukunin 'yung anak ko. Huwag po ngayon. Huwag, please,’” dagdag niya.

Bukod sa nawalan ng pera sa bangko at nagkautang, napilitan din ang mag-asawa na magbenta ng mga naipundar nilang gamit.

“Ang prayer namin sana, ‘Lord, dumating ka na. Kunin mo na kami para 'yung nararanasan namin ngayon, ‘di na namin maranasan,’” sabi pa ni Marylyn.

Aminado si Renato na napaisip din siya kung dapat na pinirmahan niya na lamang ang mga dokumento sa DPWH para hindi na sila naghihirap.

“Naisip ko rin ‘yun. Pero nanindigan ako. Wala akong pinagsisisihan. Ang gusto kong ipakain sa aking pamilya ay 'yung nanggaling sa tama,” giit ng padre de pamilya.

Isang araw, sinagot ng langit ang kaniyang mga panalangin, nang muli siyang maging project engineer sa isang pribadong kompanya.

“‘Yung aking goal ay natupad na makapag-aral lang at makapagtrabaho ang aking mga anak,” ani Renato.

Kaya naman ang anak niyang si Bea, nakapagtapos ng psychology at isa na ngayong musician. Sumunod naman si Sam sa yapak ni Renato na isa na ring lisensiyadong civil engineer. Nakapagtapos naman ng kursong information technology si Irene habang si Camille, isa nang arkitekto.

“Sobrang proud ko sa tatay ko kasi nanindigan siya sa tama,” sabi ni Bea.

“Sobrang grateful ko sa aking ama. Pinalaki niya kaming may takot sa Diyos,” ayon kay Sam.

Matapos uminit ang isyu tungkol sa maanomalyang flood control projects sa DPWH, ibinahagi ni Bea online ang kuwento ng kaniyang ama.

“My dad was a civil engineer at DPWH. They asked him to sign a project na hindi naman existing. He refused. After that, he lost his job. Life got hard, but he never regretted it. We are proud of you, tatay,” saad niya sa post.

Tunghayan sa KMJS ang madamdaming mensahe ng pasasalamat ng mga anak ni Renato sa kanilang padre de pamilya. Panoorin ang buong kuwento sa video. – FRJ GMA Integrated News