Ibinahagi ng GMA Integrated News reporter na si Mav Gonzales na inabot ng walong oras ang unang date nila ng asawa na niya ngayong si Matthew Valeña. Paano nga ba naramdaman ni Mav na seryoso si Matthew sa kaniya?
Sa podcast na “I-Listen with Kara David,” ikinuwento ni Mav na nagpa-reserve para sa kaniya si Matthew sa isang restaurant sa San Juan sa kanilang date.
“First date namin, eight hours na magkausap lang kami. Napagsaraduhan kami ng unang restaurant na pinag-reserve-an niya. Lumipat pa kami sa katabi. Kami nagbukas noong restaurant, kami nagsara,” sabi niya.
Hinangaan daw ni Mav si Matthew dahil sa ginawa nitong pagpapa-reserve sa restaurant, na nangangahulugang pinag-isipan nito ang kanilang date.
“First date namin, he made reservations. So sabi ko, ‘yung mga ganitong bagay, parang people don't really do it anymore but it's so simple. You make reservations sa restaurant, ganiyan-ganiyan. So parang, ‘Ah pinag-isipan niya,’” saad ni Mav. “Tsaka talagang, naka-set na ‘tong time na ‘to at ‘yung araw na ‘to para sa 'kin.”
Komento naman ng host na si Kara, “Panalo. Nag-reserve talaga.”
Kahit mag-boyfriend at girlfriend na, nanatili raw na consistent si Matthew sa pagtrato nito kay Mav.
“Well siyempre, pagka kayo na, meron nang mas spontaneous dates, ‘di ba? Pero we make it a point na parang, halimbawa ‘Okay, Friday,’ Friday kasi day off ko. Friday is our date day. Tapos we take turns,” anang Kapuso reporter.
“Kasi para keep things exciting, hindi kayo mag-fall into a boring routine kahit in a committed relationship na kayo,” patuloy niya.
Nakilala ni Mav si Matthew sa isang dating app. Mula roon, “real time” silang nag-uusap sa chat, at inilarawan niyang madaldal si Matthew.
Inilahad ni Mav ang mga nagustuhan niya kay Matthew.
“Mahilig siya sa Star Wars. Mahilig siya magluto, pro-Filipino siya. So 'yung hitsura niya, mukha siyang Tisoy. Mahilig siya sa Filipino martial arts. So parang in touch with the Filipino side, sabi ko, ‘Siguro half ‘to.’”
Kalaunan, naramdaman ni Mav na seryoso si Matthew sa kaniya.
“So, siyempre ‘di ba, you start out dating under the impression na, uy, baka may iba pa ‘tong dini-date na tao. Pero siya, sinabi niya sa akin na, ‘There were people that I met before you at I went out with them, but I've decided I don't want to see other people,’” sabi niya.
Tinanong din ni Matthew si Mav kung may dine-date rin siyang iba.
“So, the reality of that was, after nu'ng first date namin ni Matthew, mayroon akong first date ulit the next day, dapat. Someone else. Ano naman kasi tayo, kapag reporter, naka-schedule tayo lahat. Pa-efficient tayo,” pag-amin ni Mav.
Pero si Mav, nagpasiyang hindi na tagpuin ang iba pa sana niyang ide-date.
“After nu'ng first date namin, kinansel ko. So, wala na akong kinausap, pero hindi ko sinabi sa kaniya ‘yun,” ayon kay Mav.
Ikinasal sina Mav at Matthew kamakailan lamang. Na-engaged sila noong Hunyo.
Sa mga nakaraang panayam kay Mav, inamin niya na ilang beses na siyang natatanong kung kailan siya mag-aasawa.
Naging viral din noon ang kaniyang pahayag na “mas mabuti nang wala kesa mali," na patungkol niya sa kaniyang pagiging single. – FRJ GMA Integrated News

