Kakaibang paraan ng paggawa ng obra ang naisip ng isang 24-anyos na Gen Z artist mula sa Pulilan, Bulacan. Ang isa sa mga pangunahin niyang gamit sa pagguhit, usok na mula sa kandila, o ang tinatawag na fumage art.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” ipinakilala ang fumage artist na si Mejeyd Tribo, na nawili sa fumage art matapos niya itong mapanood sa isang artist.
Ayon kay Mejeyd, napilitan siya noon na huminto muna sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay. Nag-aral siya ng architecture noong 2021 nang tumigil dahil wala na silang pambayad sa kaniyang tuition.
Hanggang sa ang fumage na ang naging karera niya.
“Naghanap ako ng ibang taong gumagawa noon, baka makapanood ng tutorial kahit kaunti. Kaso po, walang gumagawa ng ganoon. Ang ginawa ko lang po talaga, nag-practice lang po sa sarili. Paulit-ulit lang po nang ginagawa hanggang sa makaisip ng techniques kung paano,” sabi ni Mejeyd.
Hindi biro ang pinagdaanan ni Mejeyd, na inabot ng isa hanggang dalawang taon para matutunan ang fumage art.
“Ang mga umpisa po noon, nasusunog talaga siya. Paso, pawis, init. Kasama na po ‘yun,” ani Mejeyd.
Noong mag-umpisa, madalang lang din ang nagpapakomisyon kay Mejeyd dahil hindi pa alam ng mga tao ang ganitong klase ng sining. Hanggang sa pinost niya ito sa social media at kino-content sa kaniyang videos.
Kaiba sa ibang uri ng art na ginagamitan ng maraming kulay at gamit, hindi nangangailangan ng malaking gastos ang fumage art.
Gumastos lamang siya ng P200 para sa buong proseso ng paggawa ng fumage art. Ang isang kandila, kaya nang makagagawa ng 10 hanggang 15 artworks.
Sa likod nito, tiyaga, pasensiya at talento ang totoong puhunan ni Mejeyd. Umaabot siya ng isa hanggang dalawang linggo para mabuo ang isang art piece.
“Isa sa pinakamasakit na puwedeng mangyari sa art na ito. Halimbawa po kunwari natapos ko na ‘yung sa may part ng eyes. Then may nabura po kahit isang daplis lang ng brush. Ulit ko na po siya. Gagawan ko po ulit ng details,” sabi ni Mejeyd.
Sa gitna ng paggawa ng isang art piece, may mga nagagawa pa ring manloko umano kay Mejeyd.
“Ginawa ko na po 'yung artwork, tapos hindi na po nagsasalita 'yung client. Hindi na po ako sinasagot,” ani Mejeyd.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang ginagawa.
Umaabot ng P12,000 ang mga ipinagagawa sa kaniyang A3 size, at P20,000 ang mga mas malaki. Sa isang buwan, nakagagawa siya ng mga tatlo hanggang apat na art piece.
Dahil dito, kumikita siya ng P30,000 hanggang P70,000 kada buwan.
“Malaking tulong po kasi talaga siya. Parang ito na po 'yung naging pangkabuhayan ko. Pangkuha ko ng pagkain, gamit, matitirahan, nabibigay sa magulang. Dito ko na po talaga nakukuha,” sabi ni Mejeyd.
Nakapagrenta na rin siya ng studio kung saan niya ginagawa ang kaniya mga obra.
“Mahal ko po 'yung ginagawa ko. Dedicated po talaga ako dito. Kaya doon po talaga parang pumapasok 'yung value niya, 'yung price,” sabi niya.
Tunghayan sa Pera Paraan ang pagbibigay ni Mejeyd ng kaniyang obra sa kaniyang ina, na kaniyang numero unong supporter. – FRJ GMA Integrated News
