Paalala: May mga paksang tumatalakay sa sexual abuse ang artikulo. Maging maingat sa pagbabasa.
Matapang na ibinahagi ni Jona Viray ang isang masakit na karanasan mula sa kaniyang kabataan na matagal niyang inilihim.
Sa pinakabagong vlog ni Toni Gonzaga, inamin ng mang-aawit na nakaranas siya ng pang-aabuso mula sa yumao niyang ama noong 10-taong-gulang lang siya.
"Noong 10 years old [ako], naging biktima ako ng molestiya from my father," ani Jona.
Nagsimula umano ang pang-aabuso matapos na umalis ang kanilang ina dahil sa madalas na pag-aaway nila ng kaniyang ama noon.
"Sa pagkakaalam ko, daytime nangyari 'yun, pinapasok ako sa kuwarto niya tapos doon na nagsimula 'yung mga horrific na nangyari. And that time, frozen lang ako kasi hindi ko talaga alam eh. Hindi ko alam kung sisigaw ba ako or kung tama ba 'to? Pero wala eh," pahayag ng singer.
"It happened more than once. Noong year lang na iyon nangyari, after that hindi na nasundan. Unconsciously, kakausapin mo 'yung sarili na wala ka nang kuwenta kasi nga naabuso ka na you are not pure anymore, wala ka nang value. Sobrang baba na ng self-esteem ko," patuloy niya.
Sinabi rin ni Jona na itinago niya ang mapait na karanasang ito sa kaniyang mga kapatid, at tanging ang kanyang dating manager lamang ang nakakaalam.
"Hindi ko sinabi sa kanila kasi 'di ko alam paano nila mare-receive. Until nakilala ko 'yung manager ko ngayon, si Ate Erlina, na parang siya 'yung tumayo na pangalawang kong nanay," kuwento ni Jona.
Dagdag ni Jona, hindi nila napag-usapan ng kaniyang ama ang nangyari at itinuloy lang nila ang buhay na parang walang masamang nangyari.
"Even pagkatapos mangyari 'yung mga bagay na 'yun, all those years, growing up, magkasama pa rin kami ng Papa ko. Magkasama kami sa bahay," saad niya.
"Pagkatapos ng pangyayari na 'yun, as if walang nangyayari. OK pa rin kami. Father, daughter, sinusuportahan pa rin niya kami, nagtatabaho pa rin siya," dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Jona na nagsimula siyang maghilom ilang linggo bago pumanaw ang kaniyang ama. Noong may karamdaman pa ang ama, nagbibigay pa umano siya ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot nito.
"Nag-text lang siya sa akin Ate na sinabi niya na, 'Anak, patawarin mo ako sa lahat ng mga nagawa kong pagkakamali. Mahal na mahal ko kayo,'" sabi ni Jona.
Malaking umano ang naitulong ng mga simpleng salitang iyon sa proseso ng kaniyang paghilom sa nangyari sa kaniya.
"'Yun lang, kahit simple words as that pero parang isa 'yun sa pinaka nag-contribute ng healing sa 'kin na minsan na feeling ko rin kahit hindi na siya mag-apologize pero handa pa rin akong patawarin siya sa lahat-lahat ng nangyari sa pamilya namin," ayon kay Jona.
"Naramdaman ko nun Ate mas na-relieve ako, parang 'yung tinik sa buong pagkatao ko parang nahugot," dagdag niya.
Sinabi rin ni Jona na hindi nawala ang pagmamahal niya sa kaniyang ama at umaasa siyang gagaling ito upang makabuo pa sila ng masasayang alaala bilang pamilya.
Katunayan, inasikaso pa niya ang pasaporte nito, ngunit pumanaw ang kaniyang ama bago pa sila makabiyahe.
----
Kung ikaw o may kakilala kang nakaranas ng sexual abuse o trauma, tandaan na hindi ka nag-iisa at may mga taong handang tumulong. Kung kailangan ng agarang tulong, maaari kang makipag-ugnayan sa:
Barangay Violence Against Women (VAW) Desk
Women’s Desk ng Philippine National Police (PNP)
Emergency hotline: 911
Para naman sa mental health support, maaari kang tumawag sa mga sumusunod na linya:
DOH-NCMH Hotline: 0917-899-8727 at 02-7989-8727
Natasha Goulbourn Foundation Hopeline: 0917-558-4673, 0918-873-4673, at 02-8804-4673
In Touch Crisis Line: 0917-800-1123, 0922-893-8944, at 02-8893-7603
— mula sa ulat ni Jade Veronique Yap / FRJ GMA Integrated News

