Taun-taon na inaalala ng mga Pinoy ang kani-kanilang yumaong mahal sa buhay tuwing Nobyembre sa okasyon na tinatawag na "Undas." Pero ano nga ba ang kahulungan ng naturang salita at saan ito nagmula? Alamin.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, ipinaliwanag ng sociologist na si Dr. Gerald Abergos na nag-ugat ang salitang “undas” mula sa wikang Latin at Kastila.

"Sa wikang Kastila naman ay may pinanggalingan din, ito naman somehow ay nasa wikang Latin. Now, 'yung tinatawag nating undas, galing 'yan sa etymology, 'yung sa Latin, 'yung honorare. 'Yung honorary. Meaning ng honorare is pagpaparangal, parangalan, pagpaparangalan. Kaya meron tayong word na honras," paliwanag ni Abergos.

Sa wikang Kastila, ang pariralang “honras fúnebres” ay tumutukoy sa pagpaparangal o paggunita sa mga yumao.

"Ibig sabihin, ito 'yung pagpaparangal sa mga yumao, sa mga namatay. It was derived from the word na ‘honras,’ na galing sa honras funebres," patuloy niya.

Bagaman may pinagmulan ito sa mga wikang European, sinabi ni Abergos na ang tradisyong Pilipino ng paggunita sa mga yumao ay may malaking impluwensiya mula sa kulturang Tsino.

"Mula pa noong unang panahon, magmula pa noong na meron tayong recorded human history, tayo po ay naggugunita sa ating mga yumao. Sa kulturang Pilipino, isa sa pinakamasidhing pumasok sa kultura natin ay ang kultura ng mga galing sa mga Tsino,” anang eksperto.

“Whether tawagin natin siyang undas, honras, funebre, ang punto natin dito is binibigyan natin ng panahon ng ating mga yumao, binibigyan natin pag-alala ng ating mga yumao at kahit wala na sila, nandito pa rin sa ating mga puso," dagdag pa niya.-- FRJ GMA Integrated News