Malingawngaw ang mga putok ng baril sa isang kalsada ng Barangay Muzon South sa San Jose Del Monte matapos na manlaban umano sa mga awtoridad ang isang lalaki na naunang inireklamo dahil sa pagpapaputok ng baril. Ang suspek na bagong panganak lang ang asawa, nasawi.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing rumesponde ang mga pulis sa reklamong may lalaking nagpapaputok ng baril sa lugar.

Pero pagdating ng mga pulis sa lugar, pinaputukan umano ng suspek ang mga awtoridad.

Isang tauhan naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tumulong sa mga pulis ang nasugatan sa engkuwentro.

Kinalaunan, natamaan na ng bala ang suspek at binawian ng buhay sa ospital.

Sa follow-up report ni Raffy Tima, sinabing napasugod sa lugar ang asawa ng suspek na kapapanganak pa lang noong nakaraang buwan.

Hindi umano niya alam kung bakit namaril ang kaniyang asawa. Maayos din umano ang kaniyang mister nang huli niyang makausap.

Pero inihayag nito na pinaalis sila sa kanilang inuupahang bahay ilang araw pa lang ang nakararaan dahil sa hindi na nila kayang magbayad ng renta.

Ayon sa ilang residente, may nakausap umano ang suspek at inamin nito na nakararanas siya ng depresyon. – FRJ GMA Integrated News