Nag-viral ang post sa social media ng isang volunteer group tungkol sa tatlong aso na nakita nila sa loob ng Chernobyl Exclusion Zone sa Ukraine, na itinuturing most radioactive place on Earth kaya limitado lang ang mga tao na puwedeng pumasok. Ang balahibo kasi ng mga aso, kulay asul.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagsasagawa ng pagkakapon sa mga aso ang naturang volunteer group para hindi na dumami pa ang populasyon nila sa naturang peligrosong lugar.
Itinuturing na most radioactive place on Earth ang Chernobyl Exclusion Zone, at naging restricted area ito matapos ang pagsabog ng Chernobyl Nuclear Power plant noong 1986.
Nasa 120,000 na residente ang inilikas noon at marami sa mga aso ang naiwan at hindi na nabalikan ng kanilang mga amo.
Kaya ang daan-daang mga aso na nasa Chernobyl exclusion zone, pinaniniwalaan na mga descendants na ng mga alaga na naiwan doon noong 1986.
Limitado lang ang mga pinapayagang pumasok doon dahil maaaring magkaroon ng malalang sakit gaya ng cancer o organ failure ang mga tao na magkakaroon ng high exposure sa radiation.
Makasasama rin sa mga hayop ang radiation na kung hindi man magdulot ng malubhang karamdaman ay posibleng pagmulan ng genetic mutations, physical deformities at abnormal coloring.
Kaya nang mag-viral ang mga larawan ng tatlong aso na tinawag na “blue dogs” ng Chernobyl, may mga naghinala na baka ang pagkaka-expose nila sa radiation ang dahilan ng pagbabago ng kulay ng kanilang balahibo.
Gayunman, hinihinala ng isang veterinary medical director na ang pagiging kulay blue ng tatlong aso ay hindi bunga ng radiation kung hindi posibleng exposure lamang sa uri ng kemikal.
“Most likely these dogs are getting into something. No they have not turned blue because of radiation, and no, we are not saying they have turned blue because of radiation,” ayon sa Clean Futures Fund.
“These are simply some dogs that got into some blue stuff and we are trying to catch them so that we can sterilize them,” dagdag nito.
Masigla naman daw ang mga aso at walang palatandaan ng karamdaman.
Target silang hulihin hindi lang para alamin kung anong kemikal ang nagdulot ng pagiging kulay asul ng kanilang balahibo, kung hindi para makapon na rin. – FRJ GMA Integrated News
