Isinapubliko ang buwis-buhay na pagpasok ng 53rd Weather Reconnaissance Squadron o “Hurricane Hunters” ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) sa “mata” ng Hurricane Melissa para sa ngalan ng mas tamang weather forecasting.

Sa video ng The NOAA Hurricane Hunters, na iniulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa isa nilang footage ang aktuwal na paglipad patungo sa mata ng pinakamalakas na bagyo na tumama sa mundo ngayong 2025.

Maliban sa matinding turbulence, sinuong ng grupo ang mga matatalas na kidlat habang umaakyat sila sa ere. Saka sila magde-descend o bumaba ang aircraft ng daan-daang talampakan sa loob lamang ng ilang segundo.

Sa oras na makapasok sila sa mata ng bagyo, magpapakawala sila ng dropsonde, isang meteorological equipment na magpapadala ng data sa aircraft habang bumubulusok.

Saka naman pag-aaralan ng mga eksperto ang datos upang malaman ang direksyon ng bagyo at mabigyang babala ang mga posibleng mapuruhan ng kalamidad.

Sinabi ng NOAA na mula noong Oktubre 22, gumugol na sila ng 100 flight hours para pag-aralan ang Hurricane Melissa. Higit sa 200 dropsondes na rin ang kanilang napakawalan.

Nitong Oktubre 28, tumama sa Jamaica ang Hurricane Melissa, na isang Category 5 storm. Kumilos ito patungong Haiti at Cuba.

Nitong Oktubre 31, hindi bababa sa 34 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi, at nag-iwan ng matinding pinsala.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News