Masakit man sa kalooban ni Aldrin, sinang-ayunan niya ang mungkahi ng beterinaryo na “patulugin” na ang 16-anyos niyang alagang aso na pinapahirapan na ng mga karamdaman dahil na rin sa edad nito. Ano nga ba ang mga pamantayang sinusunod upang magsagawa ng euthanasia o mercy killing sa alagang hayop? Alamin.

Part 1: Euthanasia o 'natural death,' anong pipiliin kung may malubhang sakit na ang mahal na fur baby?

Ayon sa beterinaryo na si Dr. Aira Lundag - Labrador, ng Bayport Veterinary Clinic sa Parañaque, ang euthanasia, o tinatawag ding mercy killing, ay “taking one's life into your own hands,” at last resort kung wala nang ibang paraan upang isalba ang buhay ng alaga.

Binanggit ni Dra. Aira ang limang “basic freedoms” ang mga hayop:

• Freedom from thirst, hunger and malnutrition

• Freedom from physical discomfort and pain

• Freedom from injury and disease

• Freedom to conform to essential behavior patterns; at

• Freedom from fear and distress

Kaya sa pagsasagawa ng euthanasia, sinisiguro ng kanilang klinika na nakararanas pa rin ng “freedom from physical discomfort and pain” at “freedom from injury and disease” ang isang fur baby.

Ilan sa mga pamantayan ng mga beterinaryo sa pagsasagawa ng euthanasia sa mga hayop ay ang edad nito, mga sakit na wala nang lunas at nahihirapan na, o malubha na talaga ang kondisyon.

“Kapag old age na po, may mga sinusunod tayong criteria, gaya ng kaya niya pa bang kumain, okay pa ba 'yung kaniyang organs, hindi pa ba nagkakaroon ng failure, 'yung heart niya ba is okay pa, and then, kung nakakakita pa ba siya, and then 'yung quality of life,” sabi ni Dra. Aira.

“Usually po, 'yung mga usual cases namin, mga hit by car, mga nadudurog na po 'yung buto, nag-rapture na po 'yung organs, and beyond saving na. And then, cancer na hindi na mati-treat ng chemotherapy,” dagdag niya.

Matapos ang mga lab test, ipakikita nila ang mga resulta nito para matulungang magdesisyon ang fur parents.

“Kung old na ‘yung ating pasyente, whether old or young, basta't nag-fall sila doon sa category na unmanageable na, and hindi na rin puwedeng ma-treat 'yung disease, that's when we decide together with the owner,” sabi ni Dr. Aira.

“Usually, sa practice ko po, in my six years, hindi siya madali. So, lagi naming dini-discuss kay owner itong procedure kapag ito na talaga 'yung last resort. Kasi na-try na namin lahat, and nakita namin na 'yung pasyente is hindi na siya comfortable, mas na-a-agonize na siya. Then, we tell the owners or parents na, ‘Ma'am, you have to decide. We think it's the right time,’” paliwanag niya.

Kapag nakapagdesisyon na ang mga amo, bibigyan sila ng kaukulang panahon para maka-bonding sa huling sandali ang kanilang fur baby bago ito isailalim sa euthanasia.

“But sometimes, some of the owners, hindi pa kaagad makapag-decide. So, sine-set aside muna nila 'yung topic o 'yung discussion namin na ‘yun and then they come back pagka-ready na po sila,” ani Dra. Aira.

Hinahayaan din ng mga beterinaryo ang fur parents na kumonsulta ng second opinion sa ibang duktor tungkol sa kalagayan ng kanilang mga alaga.

Sa pagsasagawa ng euthanasia sa hayop, sinasaksakan ang mga ito ng anesthetics para mawalan sila ng malay o maging unconscious. Hanggang sa makaranas sila ng respiratory arrest o cardiac arrest ngunit walang nararamdamang anumang sakit.

“Kapag nakapagbigay na kami ng anesthetics, usually, nagiging kalmado na sila and nawawala na 'yung pakiramdam nila ng pain. So, dapat laging anesthetized po para comfortable ang pasyente. Sometimes, we give muna medicines that would take away their anxiety, calming agents, and then the anesthetics, sedatives, para sure na sure na talagang comfortable ang patient,” patuloy niya.

Sa proseso ng euthanasia sa fur babies, ilang fur parent ang pinipiling hindi ito makita. Habang ang iba naman ay sinasamahan ang kanilang mga alaga hanggang sa huling hininga nito. Para maging kumportable sila sa proseso, pinapayagan din ang mga pet owner na mag-alay ng panalangin.

“Isang factor din ‘yun. Siyempre, before ma-anesthetize siya, okay din na nakikita nu’ng fur baby 'yung kaniyang fur parents, familiar faces. Kasi minsan, ‘pag naiiwan po sila sa examination room, “Naiwan ako, nasaan 'yung parents ko?’ Naaaligaga 'yung pets, lalo na kung hindi pa na-sedate, or hindi sila kalmado, or hindi sila sanay na naiiwan,” ani Dra. Aira.

Kadalasang isinasailalim sa euthanasia ang “companion animals” gaya ng mga aso at pusa.

Gaya sa kaso ni Martina, pinapayagan din ng mga beterinaryo ang mga pet owner na iuwi na lamang o isailalim sa home remedy ang kanilang mga alaga kung ito ang kanilang maging pasya, ngunit sa kondisyong hindi dapat nakararanas ng sakit ang alaga.

“Kunwari, kahit bumili ka ng pain meds, nakaka-feel pa rin siya kahit paano ng pain. ‘Pag gano'n, kinakausap na namin sila na hindi possible kasi lalo na kapag nag-seizure or epileptic na 'yung pasyente… Kasi every time na nagkakaroon 'yung seizure, 'yung neuropathic pain, sobrang sakit ‘yun for the baby or for the patient,” anang doktora.

Ayon kay Dra. Aira, kadalasang nakadadama ng panghihinayang o pagsisisi ang mga pet owner na pumapayag na isailalim sa euthanasia ang kanilang fur baby na may malubhang kalagayan.

READ: The Mourning After: Dealing with pet euthanasia

“Most of the cases I handle, they feel guilty. Kasi, siyempre, buhay pa rin ito eh. So, sila 'yung deciding factor kung magko-continue or hindi na 'yung life ng kanilang fur baby. Especially if napamahal na talaga ‘yan, part of the family na. They usually ask me, ‘Doc, masama ba ako for deciding na euthanasia na lang 'yung gagawin natin or for deciding na magpa-euthanize ng aking alaga?,” pagbahagi niya.

“Then, I usually tell them na, ‘No, you're not a bad owner. You don't have to feel guilty.’ It's better said than done kasi feelings pa rin 'yan. But I usually tell them na, ‘No, it's not your fault.

Hindi po kayo need na mag-guilt, maka-feel ng guilt na magpa-euthanize po kayo because it's for the benefit of the fur baby,’” sabi ni Dra. Aira.

Dagdag niya, mas mainam nang makitang maginhawa o walang sakit ang isang alaga kaysa araw-araw na nakikita itong nagsi-seizure o umiiyak dahil sa sakit na nararamdaman.

Payo ni Dra. Aira sa mga nagkokonsidera ng euthanasia para sa kanilang alaga: “They don't have to feel bad kapag dumating na 'yung time na naging option na 'yung euthanasia. Because, sa huli, pinaka-importante pa rin na hindi ma-agonize 'yung ating mga fur babies and hindi sila maka-feel ng paghihirap, sakit. So, when the time comes, don't feel bad sa decision na kanilang gagawin... Laging 'yung best interest or laging 'yung benefit nu'ng pasyente 'yung need nating isipin.”

Ang bayad sa "pagpapatulog" ng alagang hayop ay depende sa timbang nito.

Cremation services

Matapos ang pagpanaw ng mahal na fur babies, ang pagbibigay ng disenteng huling hantungan ang iniisip din ng mga fur parent. Ang nauuso ngayon, ang cremation.

Isa ang Aeternal Paws - Pet Afterlife Services, na may sangay sa Bulacan at Mandaluyong, sa mga nag-aalok ng tradisyunal na cremation. Ngunit may mga pagkakataon ring nag-aalok sila ng communal o sabay-sabay na cremation, para sa mga fur parent na tipid ang budget.

Ang Golden Retriever na si “Austine,’ ang yumaong fur baby ni Angelo Sanchez, presidente ng Aeternal Paws - Pet Afterlife Services, ang inspirasyon niya sa likod ng kanilang kompanya.

Isang software developer si Angelo nang tumigil muna siya sa trabaho para pagkaabalaan ang ibang bagay. Dahil dito, dumaan siya sa mga pagsubok at presyur, kabilang ang kawalan ng budget. Kinailangan din niyang muling mag-aral, mag-upskill, at maging disiplinado.

“Nandu’n lang si Austine. He was just really looking into me. Parang, ‘Huwag kang mag-alala kaya mo ‘yan.’ Habang nag-aaral ako, nakatingin lang siya sa akin nang gano'n. And then the only thing that he would typically demand ay, ‘Angelo, 5 p.m. na. Puwede maglaro muna tayo? And after natin maglaro, sige, papayagan na kitang mag-focus diyan sa kung anong ginagawa mo,’” kuwento ni Sanchez tungkol sa kaniyang alaga.

Bumukod si Sanchez noon sa pamilya at isinama si Austine at iba pa niyang fur baby nang mangupahan siya sa isang apartment. Dito dumating ang hindi niya inaasahan.

“Nainitan siguro si Austine, pumasok siya doon sa CR, kinulong niya 'yung sarili niya sa CR… Pagkapasok niya sa CR, sumiksik siya roon sa may likod ng pinto. Pagkasiksik niya 'yung likod ng pinto, sumasara 'yung CR,” kuwento niya.

“Tapos nu'ng sinubukan niya na lumabas, since walang tao roon, nasa church ako, hindi niya na mailabas 'yung sarili niya. Sinubukan niya nang sirain 'yung pinto hanggang sa ma-overpower siya. Na-over fatigue,” ani Sanchez.

Nadatnan na lamang ni Sanchez na nakahiga na lang at sugatan ang kaniyang alaga. Matapos madala sa beterinaryo, na-revive pa si Austine ngunit nagkaroon ng mga komplikasyon.

Matapos ipasuri sa tatlong magkakaibang beterinaryo at sumailalaim sa maraming procedure, pumanaw kalaunan si Austine.

“It was a very painful learning for me. Kasi I was never given a chance na mas maganda pala na ilabas na lang siya kaysa iwan siya sa loob. Ang problema, walang try again. Namatay siya the moment na unang beses akong magkamali,” sabi niya.

“‘Yung inspiration and ‘yung drive to keep doing things, to D.O. better, to ensure that we're doing the best that we can, lagi na doon. Kasi sobrang lalim nu’ng pinaghuhugatan,” dagdag ni Sanchez.

Proseso ng cremation

Batay sa kanilang website, narito ang proseso ng pagsasagawa ng cremation na sinusunod ng Aeternal Paws - Pet Afterlife Services:

1. Pagtawag sa kanilang linya - Dito idedetalye ng fur parents ang kanilang kahilingan at kagustuhan para sa kanilang yumaong alaga.

Sa portal ng kanilang website, maaaring mag-log in ang fur parents para makita sa isang tracker ang mga update tungkol sa kanilang fur baby o ano na ang proseso na pinagdadaanan nito.

Sa parte naman ng kanilang mga empleyado, sinabi ni Sanchez na dapat nilang tiyakin na masunod ang tamang proseso.

“Isang word, ang pinaka ini-ensure ko na maitatak sa bawat employee namin is proactiveness. Bago pa lang mag-ask ng update si customer, unahan na natin. Kapag alam natin na mayroon magiging potential issue, ‘wag mo nang hintayin na lumapit sa iyo,” sabi ni Sanchez.

2. Transport - May opsiyon ang mga amo na ipasundo sa cremation services ang kanilang fur baby mula sa kanilang tahanan o veterinary clinic, o maaari nila itong dalhin mismo sa opisina ng cremation services.

“We ensure that the pet is being well taken care of. So, once the pet is deceased, we transfer them in a certain cadaver bag and then we preserve them,” sabi ni Sanchez.

3. Identification - Gumagamit ang cremation services ng integrated na teknolohiya para matiyak sa fur parents na kumportable ang pagdadaanang cremation ng fur baby. Magbibigay din sila ng real-time updates.

“We do have barcodes that are linked into the body of the pet, the cadaver bag of the pet, the memorabilia of the pet and the paper bag of the pet,” sabi ni Sanchez.

Nakalagay sa mga barcode ang impormasyon ng fur baby, gaya ng pangalan nito, breed, kulay, sino ang mga may-ari, at ang kanilang lugar.

4. Preparasyon - Dito na iaayos ang yumaong hayop para sa huling memorial viewing kasama ang pamilya nito.

5. Memorial viewing - May mga kuwarto ang Aeternal Paws na maayos nilang inihahanda para sa mapayapang pagsulyap ng pamilya sa kanilang yumaong fur baby sa huling pagkakataon

“Prior to the cremation itself, unang-unang we have to ensure the accuracy,” sabi ni Sanchez.

“Before we make an adjustment or movement sa isang pet, especially when it comes to mobility, meron mga checkpoint na nangyayari. Unang-unang, bago siyang lumabas dito, kailangan muna mabigyan ni front office ng go signal na itong pet na ito ay puwede na talaga for transportation,” dagdag niya.

Pagkarating ng katawan ng hayop sa crematorium, dapat na iberipika ng staff na maaari na itong isailalim sa cremation.

“Pangalawa is we perform a documentation of photo and video prior to the cremation itself. Nakahiga ‘yung pet doon, nasa likod mismo is isang mismong cremation machine namin,” dagdag ni Sanchez.

Pagmamalaki niya, hindi na sila kumukuha ng third party para sa kanilang proseso at operasyon.

6. Paghahanda ng abo - Isasagawa ang pribadong proseso ng cremation na may kaakibat na masusing pag-aalaga at matinding paggalang.

7. Koleksiyon - Kokolektahin na ang mga abo ng fur baby at ilalagay sa mga keepsake na pinili ng kanilang fur parents

8. Karagdagang Serbisyo - Matapos ang cremation, may mga dagdag na personalized na serbisyo at produkto na inaalok sa fur parents para sa kanilang natatanging paalam at pangmatagalang pag-alala sa kanilang mga minamahal na alaga

9. Higit na pag-aalaga - Magpapatuloy ang Aeternal Paws na magbigay ng suporta at tulong sa pamilya at ipadamang may karamay sila sa kanilang pagluluksa

Package

Umaabot ang kanilang cremation services ng P3,900 para sa mga alagang hayop na magaan pa sa isang kilo, hanggang P15,000 o P16,000 para sa mga umaabot ng 60 kilo ang timbang. Kasama na sa package ang grooming at ang memorial viewing ng fur baby.

Bukod sa “companion animals” na mga aso at pusa, tumatanggap din sila ng mga ibon, ahas, tuko, at manok.

Mayroon din silang life plan para makapaghanda agad ang fur parents sa posibleng pamamaalam ng kanilang alaga, na limang porsyento lamang ng package para sa downpayment.

Bukod sa tradisyunal na cremation, mayroon ding nauuso ngayon na tinatawag na “aquamation,” na iniaalok ng ibang pet funeral service provider.—FRJ GMA Integrated News