Nagsisi ang isang fur mom nang piliin niyang mag-home remedy at bumili ng gamot online na hinihinalang niyang peke. Sa halip kasi na gumaling, lumala ang kalagayan ng alaga niyang pusa na si Kookie at tumagilid pa ang ulo. Alamin ang buong pangyayari at matuto sa kaniyang naging karanasan.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento estudyanteng fur mom na si Franzine Estanislao, na nagsimula sa ear mites ang kondisyon ng kaniyang pusa at nagkaroon ng iritasyon sa tainga dahil sa parasites.

BASAHIN: Euthanasia o 'natural death,' anong pipiliin kung may malubhang sakit na ang mahal na fur baby?

Pero dahil estudyante pa lang siya at walang sapat na pera para pumunta sa beterinaryo, bumili na lang siya ng gamot online upang gamutin ang alaga, na pinagsisihan niya kinalaunan.

Ayon kay Franzine, pagkaraan ng ilang araw sa paggamit ng gamot na nabili niya online, napansin niya na wala ito epekto sa kalagayan ni Kookie. Sa halip, tila lumala pa dahil tumabingi ang ulo nito.

Sabi pa ni Franzine, nawawalan din ng balanse ang kaniyang pusa at hindi makatayo, at nawalan ng ganang kumain.

Nang suriin niya ang label ng gamot, doon daw niya napansin na peke umano ang nabili niyang gamot online.

“Mayroon palang spelling mistakes doon sa mismong box nung gamot. Mayroon pala sa one star section sa mga review na ayun nga po fake daw po yung product,” saad niya.

Dahil sa paglala ng kalagayan ni Kookie, nanawagan si Franzine ng tulong sa netizens para mabigyan ng tamang gamot ang alaga at madala sana sa beterinaryo.

Tumugon naman ang ilang netizens sa panawagan ni Franzine at nadala sa vet si Kookie. Ang naging diagnosis ng duktor, bukod sa ear mites infestation, nagkaroon si Kookie ng secondary bacterial infection na kumalat sa katawan at nagkaroon ng blood infection.

Sa kabutihang-palad, nasa road to recovery na ngayon si Kookie at bumabalik na sa ayos ang tumagilid niyang ulo. Nakakakain na rin uli ang pusa.

Pero patuloy pa rin ang gamutan sa kaniyang tainga kaya bukas pa rin si Franzine sa pagtanggap ng donasyon para sa kaniyang alaga.

Hirap man sa budget, pinipilit daw ni Franzine na masunod ang mga bilin ng beterinaryo upang gumaling nang lubusan si Kookie.

Ang natutunang leksyon si Franzine sa pangyayari: “Nag-settle po ako sa home remedies which is very wrong. Dapat po pala dalhin agad yung pet sa vet. Mas magtiwala po tayo sa vet, sa trusted shops sa mismong physical shops.” – FRJ GMA Integrated News