Sinibak sa puwesto ang isang vlogger na pulis sa Talisay City, Cebu matapos siyang gumawa ng content mula sa palarong “bring me” na drug user at pusher ang dadalhin sa kaniya.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ipinakita ang video ng pulis na nag-alok sa kaniyang viewers P2,000 kung makapagdadala sa kaniya ng drug user.

Mas malaki naman ang alok niya kung street level na drug pusher ang dadalhin sa kaniya na may katumbas na P5,000 na halaga. 

Pero hindi nagustuhan ng pamunuan ng Philippine National Police ang kaniyang ginawa na wala umano sa operational procedure ng organisasyon. 

“Wala ‘yan sa police operations and procedures. So the ACG and the DIDM now conduct appropriate investigation,” sabi ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. 

Nagawa rin ng PNP na makakuha ng kopya ng video bago pa ito mabura sa Facebook page ng pulis na may 400,000 followers. 

Napag-alaman na mayroon din content ang pulis na mga hindi rehistradong armas naman ang iniutos niya sa kaniyang mga follower na dalhin sa kaniya.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang pulis.

“Siya po ay administratively relieved. Sa kautusan po ng Chief PNP, pinag-explain po iyong taong iyon pati po ang kaniyang chief of police,” sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier Gen. Randulf Tuaño. – FRJ GMA Integrated News