Patok ang kainan ng isang mag-asawa dahil sa kanilang silog meals na may twist na “create your own” na overload pa sa dami ng serving sa Pila, Laguna. Ang puhunan nang simulan nila ang negosyo noong panahon ng pandemic, P5,000 lang.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang “create your own silog” ng kainang Victoria Kitchen, ang negosyo ng 32-anyos na si Stephen Freud Victoria at partner niyang si Lyra.
Nang simulan nila noong 2020 ang negosyo, si Freud at tagaluto at taga-deliver. Habang si Lyra naman ang nag-aasikaso sa mga order at iba pang kailangan sa social media.
Dahil pangkaraniwan na ang mga silog na iisang ulam lang, ginawa ni Freud na tatlong ulam ang puwedeng pagpilian sa kanilang negosyo.
Ilan lamang sa maaaring pagpilian na ulam ng kanilang silog meals ang liempo, bagnet, tapa, pork ribs, luncheon meat, Hungarian sausage, tocino hotdog, chicken filet, boneless pinasal, chicharon bulaklak at sisig.
Paalis na dapat ng bansa si Freud pero hindi natuloy dahil sa pandemya. Na-layoff naman sa pinapasukang kumpanya si Lyra.
Kalaunan, naging katuwang niya sa negosyo ang kaniyang kapatid at nagkaroon na sila ng dine-in. Ngayon, mayroon na rin silang branch sa Santa Cruz at Lumban.
Kahit na mura at madami ang serving, hindi lugi ang kanilang negosyo dahil nababawi ito sa dagsa ng kumakain.
Sa likod nito, dumaan muna sa dagok ng buhay si Freud nang pumanaw ang kaniyang ama.
“Pumasok talaga 'yung struggle sa family namin nu'ng nawala 'yung father ko. Hindi naging madali kasi tatlo kaming pinapaaral ng mother ko,” kuwento niya.
Kalaunan, natapos niya ang kaniyang dalawang taong course na Hotel and Restaurant Management, na tugma sa itinayo niyang negosyo. Nakaalalay naman ang kanilang ina sa kanilang business.
Habang patuloy na lumalago ang kaniyang negosyo, hindi malilimutan ni Freud ang kaniyang namayapang ama.
“Alam ko, masaya ka na kung nasaan kami ngayong lahat. Sana kasama ka namin ngayon,” mensahe ni Freud sa kaniyang yumaong ama.
Bukod sa social media, mahalaga rin ang pakulo o promotion overload para mas makilala ang negosyo. May free silog sila sa kanilang followers, may pa-games sa kanilang Facebook page at free delivery kapag na-late ng delivery sa customer.
Ang silog na merong dalawang ulam, java rice at itlog, nagkakahalaga ng P194 hanggang P214. Mabibili naman ang kanilang super silog na may tatlong ulam sa halagang P254 hanggang P284.
May ibinibenta rin silang drinks na katerno ng silog meals.
Bukas ang kainan ni Freud hanggang 1 a.m. at hanggang 12 a.m. naman sa ibang branch dahil sa lakas ng kanilang mga parokyano.
Mula sa P5,000 na puhunan, overload na rin ang kanilang kita na umaabot ng hanggang six digits kada buwan.
Meron na rin silang iba't ibang kainan na may limang branches. Nakapagpundar na rin sila ng pickup truck, motor at sasakyan, at sarili nilang bahay.
“Kung hindi ka susugal, hindi ka mananalo. So, ‘pag may pagkakataon kang mag-business, i-go mo lang, wag ka matakot kasi baka mas magsisikap ‘pag hindi mo tinuloy ‘yan,” sabi ni Freud. – FRJ GMA Integrated News
