Nakaranas din ng malakas na hangin at matinding pagbaha ang Palawan dahil sa paghagupit ng bagyong “Tino.” Ang ilang rescuer, nakuhanan ng video na lumalangoy ngunit walang gamit na rubber boat.

Sa video ni Juvelyn Decayman na nakalap din ng Super Radyo Palawan, na iniulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na tila pumipito ang hangin na gumising sa mga taga-El Nido nitong umaga ng Miyerkoles, Nobyembre 5 sa pagtama ng bagyong si Tino.

Bago nito, gabi pa lamang ng Nobyembre 4, magsimula nang umulan sa lugar. Sa loob lamang ng isang oras, agad nang bumaha ang plaza ng Barangay Magara sa bayan ng Roxas.

Mataas na ang tubig bago pa mag-6 a.m. nitong Miyerkules.

Ganito rin ang sitwasyon sa iba pang parte ng probinsya. Bago pa man magliwanag, lampas-tao na ang baha sa Barangay Lucbuan sa Puerto Princesa.

Nakunan ni Ronnie Tumalac na may mga rescuer na walang rubber boat. Sa gitna ng operasyon, isang rescuer ang muntik pa umanong malunod.

“Kasi hindi nila ako narinig dahil sabi ko malalim ‘yung part na ito. Naghubad siya ng kaniyang life jacket. Siguro nahirapang kumilos dahil nakauniporme, naka-combat shoes. Naanod siya, naanod dito. Lumulubog na siya rito, nahirapan na siya talaga. Buti may lakas pa rin siya kaya nakapahinga siya roon,” sabi ni Tumalac.

Kinumpirma ng Puerto Princesa Police na nakaunipormeng tauhan nila ang nakunan ng video, ngunit inaalam pa kung saang ahensiya ito nagmula.

Kinukuha rin ng GMA Integrated News ang panig ng awtoridad tungkol sa kawalan umano ng rubber boats sa rescue mission.

Samantala, pinasok din ng tubig ang ilang silid-aralan na sinisilungan ng evacuees sa Calandagan National High School. Nailipat naman sila agad sa ibang silid-aralan.

Bukod sa baha, kalbaryo rin ang naranasan ng evacuees dulot ng napakalakas na hanging dala ng bagyo.

Natanggal din ng malakas na hangin ang bubong ng elementary school ngunit malayo ito sa evacuees.

Batay sa PAGASA, 11 a.m. ng Nobyembre 5, pitong beses nang nag-landfall bansa sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pinakahuli sa El Nido, Palawan, pero ramdam ang bagsik ng bagyo sa halos buong probinsya.

Tulad ng maraming lugar na unang dinaanan nito, matinding pinsala rin ang iniwan ni Tino sa Palawan.

Inaasahang muli itong lalakas sa susunod na 12 oras habang tinatahak ang direksyon papunta sa West Philippine Sea.

Lalabas ang Bagyong Tino ng PAR gabi ng Nobyembre 5 o umaga ng Nobyembre 6.

Ngunit posible pang pumasok ang isa pang bagyo na binabantayan ngayon sa labas ng PAR. Tatawagin itong Bagyong “Uwan,” at may potensyal umano na maging isang super typhoon habang kumikilos papunta sa northern Luzon.

Nilinaw naman ng PAGASA na maaari pang magbago ang forecast sa paparating na bagyo sa mga susunod na araw. – FRJ GMA Integrated News