Matapos humupa ang baha na dala ng bagyong “Tino,” tumambad ang matinding pinsala na iniwan nito sa iba’t ibang bahagi ng Cebu.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, umabot umano sa lampas-tao ang tubig-baha na nagpalubog sa maraming bahay at tumangay sa maraming sasakyan maging sa lansangan sa Mandaue City.

Sa Cebu City, ipinakita ang sitwasyon sa isang subdibisyon na puno nang putik at nagkapatong-patong ang mga sasakyan na ang iba ay tinangay ng baha ng ilang kanto.

May kalapit na ilog ang subdibisyon na umapaw umano at umabot sa 10 hanggang 12 talampakan ang baha sa lugar.

Matindi rin ang naging pinsala ng bagyo sa Liloan na marami ring bahay at mga sasakyan ang nalubog sa baha.

Bukod sa mga pagkain at inumin, kailangan ng mga apektadong residente ang pagkukunan ng enerhiya gaya ng solar at generator para masimulan nila ang paglilinis sa kanilang mga bahay. Panoorin ang mga report sa video.

 

FRJ GMA Integrated News