Nahuli-cam ang isang dambuhalang sawa na lumalangoy sa baha sa Talisay City, Cebu na hinagupit ng bagyong “Tino.” Ang mga manok naman sa isang bahay sa Olango Island sa Cebu rin, isinabit sa kisame.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing nahuli-cam ang malaking sawa na lumalangoy sa baha sa Purok Maryland, at dumaan sa ibabaw ng kulungan ng manok.

WATCH: Pinsala ng bagyong ‘Tino’ sa Cebu, tumambad

Tila sa pagmamadali na makaalis sa baha, hindi na pinansin ng sawa ang isang manok na basa sa ulan at nasa ibabaw ng kulungan.

Samantala, para hindi na naman tangayin ng baha, naisipan ng may-ari ng mga manok sa Olango Island isabit ang mga ito sa kisame.

Kabilang ang lungsod ng Talisay sa matinding binaha ni Tino, na nagpalubog sa maraming bahay at mga sasakyan sa lalawigan ng Cebu.—FRJ GMA Integrated News