Taun-taon na inaabangan ang Oblation Run, o ang pagtakbo ng ilang kalalakihan na hubo’t hubad habang nakasuot ng maskara sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Ginagawa ito para ipahayag ng mga estudyante ang kanilang mga paninindigan sa iba’t ibang usaping panlipunan. Paano nga ba ito nagsimula? Alamin.
Sa isang episode ng “I-Witness,” nakapanayam ni Howie Severino ang sikat na biyolinista na si John Lesaca, senior brother ng Alpha Phi Omega o APO, ang fraternity na nagsimula at nagpapatuloy ng Oblation Run.
“That was the 70s. And remember ‘yung 70s background diyan, there was martial law. Since it was martial law, ang daming censorship. But UP, being UP, we really went against that censorship. And so, we decided to sponsor and promote this play called Hubad na Bayani,” paliwanag ni Lesaca.
“Now, ano ‘yung Hubad na Bayani? It was about freedom lang,” dagdag ni Lesaca.
Para i-promote ang play, naisip ng isa sa mga kasamahan nila sa APO na may isang tumakbo nang nakahubad.
Nang tanungin ni Howie kung ipinagmamalaki ni Lesaca na sinimulan ng kanilang fraternity ang tradisyon, “Yes. definitely I want it to continue.”
“Firstly, I'm very proud of what APO stands for. Because we stand on three basic principles. Leadership, friendship, and service,” sabi pa niya.
Inilahad ni Brent Xylex Blas, APO member, ang sinisimbolo ngayon ng Oblation Run.
“It symbolizes po ‘yung tapang ng members namin na harapin ‘yung issues ng bansa na kinakaharap,” sabi ni Blas.
Sa halalan nitong 2025, iminungkahi ng mga nag-Oblation Run ang “vote wisely” at umiwas sa vote buying.
“We need to be more aware sa mga social issues dahil kinabukasan natin yung nakasalalay. Kung hayaan namin na tuloy-tuloy lang ‘yung status quo, kailangan ni-call out natin ‘yun bilang kabataan, bilang part ng the next generation. Hindi lang para sa future natin, para rin sa future generations na mabubuhay dito sa society natin,” dagdag niya.—FRJ GMA Integrated News
