Sariwa pa rin sa alaala at hindi raw malilimutan ni Eman Bacosa Pacquaio ang araw na kilalanin na siyang anak ng Pambasang Kamao na si Manny Pacquiao, at ipagamit ang apelyido nito upang makatulong sa hangarin ng binata na pasukin din ang mundo ng boksing.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing isinilang si Eman (isinunod sa pangalan ni Manny na Emmanuel) noong 2004. Ina ni Eman si Joanna Rose Bacosa, na waitress noon nang makikilala ni Manny.

Nagkapalagayan ng loob ang dalawa, at naging bunga nito si Eman.

Lumaki man si Eman na hindi kasama si Manny, sinabi ng binata na nauunawaan niya ang sitwasyon ng kaniyang ama.

Edad siyam si Eman nang makahiligan na rin niya ang boksing, at naging inspirasyon ang ama nang makita nito ang laban kay Shane Mosley.

"Tapos 'yung nasubukan ko na po, parang napamahal na rin po 'yung boxing sa akin," saad niya.

Sa kanilang bayan sa Tagum, sumabak si Eman sa boksing at nakalaban pa niya ang nambu-bully sa kaniya sa eskuwelahan. Matapos ang tatlong round, nag-uwi siya ng P200 na ibinigay niya sa kaniyang ina.

Tumira sa Japan

Dose-anyos si Eman nang tumira naman sila ng kaniyang ina na half-Japanese sa Japan. Doon nag-aral ang binata at natutong magsalita at magsulat ng lengguwahe ng mga Hapon.

Pero bukod sa pag-aaral, itinuloy din ni Eman ang pag-e-ensayo ng boksing sa Japan.

"Doon na po ako parang pinayagan ni mama na, 'Sige, 'nak, susuportahan kita sa pagbo-boxing mo. Magboxing ka,'" kuwento niya. "Kasi inamin ko rin naman po na passion ko 'yung boxing. 'Suportahan niyo po sana ako, Ma, sa pagbo-boxing ko,'"

Sa 10 taong paninirahan sa Japan, hindi sila nagkita ni Manny. Pero nang bumalik sila sa Pilipinas noong 2022, ipinatawag sila ng kaniyang ama sa bahay nito. Doon nangyari ang matagal na niyang ipinagdarasal na kilalanin na siya ng Pinoy boxing icon bilang anak.

Ayon kay Eman, mahigpit siyang niyakap ng kaniyang ama.

‘“Anak na miss kita, tagal kitang hindi nakita,’ sabi umano ni Manny na kuwento ni Eman. “Tapos niyakap ko rin siya. Ako pinipigilan ko luha ko. Sobrang saya ko po talaga na nakita ko po siya noon. Hanggang ngayon, hindi ko po makalimutan ‘yung moment na ‘yon. Ten years po kasi kaming hindi nagkita. Tapos ‘yon sinabihan ko po na ‘dad plano ko sanang mag-boxing,” pagbahagi ni Eman.

Ayon kay Eman, hinikayat siya ng kaniyang ama na mag-aral na lang dahil delikado ang boksing. Inalok umano siya ni Manny na papupuntahin na lang sa Amerika. Pero mas pinili pa rin ni Eman na mag-boksing, at dito na lang sa bansa isasabay ang pag-aaral.

Doon na umano inalok ni Manny na gamitin na ni Eman ang apelyidong Pacquiao upang makatulong na rin sa kaniyang papasuking mundo ng boksing.

“Parang bumawi po siya sa akin. Sabi ko, hala thank you Lord. Pumasok po ako sa kuwarto doon po ako umiyak. Sabi ko Thank you Lord,” ayon kay Eman.

Nagkaroon na rin umano sila ng heart to heart talk ni Manny at humingi umano ng tawad sa kaniya ang ama, na kaniya namang pinatawad. Sinabi umano niya sa kaniyang ama na naiintindihan niya ang sitwasyon nito.

“Ang importante lang sa akin na makasama ko kayo,” sabi umano niya kay Manny.

Ayon kay Eman, nakilala rin niya si Mommy Dionesia na nagkomento umano na kamukha niya si Manny, pati sa pananalita.

Maayos din umano ang relasyon niya sa asawa ni Manny na si Jinkee, na tita ang tawag niya.

"Maayos naman po kami ni Tita. Paminsan-minsan nag-uusap naman po kami," ani Eman.

Naging gabay din ni Eman sa kaniyang paglaki at boxing carrer ang kaniyang stepfather na si Papa Sultan.

"Siya po 'yung naging father figure namin na nagpalaki. Doon po namin naramdaman na ganito pala ang pakiramdam ng magkaroon ng tunay na ama. Doon po namin naramdaman 'yung tunay na pagmamahal ng isang ama," kuwento ni Eman.

Ayon naman kay Joanna, para kay Eman ang pagpapaunlak nila ng panayam upang maging maayos na ang lahat at maitama ang ano mang maling haka-haka. 

Sa nakaraang Thrilla in Manila 2, na inorganisa mismo ni Manny para sa 50th anniversary ng historic fight nina Muhammad Ali at Joe Frazier sa Pilipinas noong 1975, kabilang sa mga lumaban si Eman, na muling nagwagi, at napanatiling malinis ang kaniyang fight record na pitong panalo, isang draw, apat na knockouts, at walang talo. – FRJ GMA Integrated News