Isang 80-anyos na babae ang nasawi matapos tamaan ng tumalsik na rim lock ng gulong mula sa isang truck na bumibiyahe sa Dingle, Iloilo. Ang biktima, nakaupo lang noon sa waiting shed nang mangyari ang trahedya.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Tabunan nitong Lunes ng umaga.

Nakaupo ang biktima sa waiting shed nang dumaan ang delivery truck na may kargang mga manok at natanggal ang rim sa gulong.

Nasa lugar naman ng pinangyarihan ng insidente ang sundalong si Sergeant Michael Asong, na sinusubukang saklolohan ang duguan at nakatumbang biktima pero hindi na nailigtas ang babae.

Ayon kay Chief Master Sergeant Emannuel Doromas, imbestigador, Dingle MPS, ang kaliwang gulong sa likuran ng truck ang nagkaaberya na nakadisgrasya sa biktima.

Sa kabila ng nangyari, nagkaroon na umano ng pag-uusap ang magkabilang panig upang hindi na kasuhan pa ang driver ng truck.—FRJ GMA Integrated News