Muling napag-usapan ang Sierra Madre mountain range matapos ang pananalasa sa malaking bahagi ng Luzon ang bagyong “Uwan,” na naging super typhoon.
Marami ang naniniwalang nakatulong ang bulubunduking hanay ng Sierra Madre sa pagpapahina ng bagyo. Ngunit ayon sa ulat ni Chino Gaston sa “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng state weather bureau na PAGASA, na ang pag-landfall nito ang tunay na nagpapahina sa bagyo.
“Regarding sa structure ng bagyo, kung saan na napapansin ng iba, buong-buo yung mata niya sa may Philippine Sea. Pero pagtama dito sa kalupaan ng Sierra Madre, nabasag yung kanyang sirkulasyon. Definitely may effect din yung matataas na mga lugar, mountainous areas ng Sierra Madre, Caraballo and Cordillera mountain regions, dito po sa structure o hitsura ng isang bagyo. Kaya madalas di na natin nakikita yung sentro or ikot or mata ng bagyo ‘pag dumaan na ito sa kalupaan,” ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja.
Nagsagawa naman umano ang mga atmospheric scientist mula sa University of the Philippines ng isang simulation na nagpakitang maliit lamang ang kaibahan kung may mga bundok man o wala sa Luzon. Ipinaliwanag nila na ang mga bagyo ay kumukuha ng lakas mula sa karagatan, sa pamamagitan ng enerhiya mula sa singaw ng tubig.
“We simulated 40 plus na bagyo na dumaan sa Luzon. So, ginawa namin is, doon sa isang simulation, nandiyan si Sierra Madre. Another simulation, flinaten [flat] namin si Sierra Madre. So ang tanong ngayon ay kung malakas yung effect ni Sierra Madre, so ibig sabihin, dun sa flattened, hindi gaanong hihina yung bagyo. Dun sa nandyan si Sierra Madre, hihina yung bagyo. And it turns out na medyo same lang yung paghina ng bagyo,” paliwanag ni UP-IESM Atmospheric Physics Laboratory head Gerry Bagtasa.
Bagama’t maaaring hindi malaki ang epekto ng Sierra Madre sa kabuuang paghina ng bagyo, napakahalaga pa rin nito upang saluhin ang napakalakas na ulan na dala ng mga bagyo, lalo na kung nananatiling buo ang mga kagubatan.
Nagbabala naman ang Save Sierra Madre Network Alliance, na ang malawakang pagkalbo ng kagubatan ay nagpapataas ng panganib ng pagguho ng lupa at nagiging dahilan upang dumaloy nang walang harang ang tubig-ulan, na nagdudulot ng matinding pagbaha sa mabababang lugar.
Bagama’t natutuwa ang grupo sa atensyong nakukuha ng Sierra Madre sa social media sa pamamagitan ng mga memes at online content, hinikayat nila ang kongkretong aksyon para protektahan ang kabundukan at hindi lamang online awareness.
“Kalat-kalat ang iba't ibang quarry companies, nickel mining companies. Actually doon sa Nueva Vizcaya meron nakakuhang permit na isang mining corp…At the same way yung pagtatayo ng Kaliwa Dam na malawakang tinututulan ito ng mga partners naming katutubo,” sabi ni Save Sierra Madre Network Alliance vice chairperson Adrian Romero.
“Gusto namin sa organization na mag-translate yung creativity sa social media into warm bodies na mag-lobby sa DENR na community organizing, nagsasama-sama para mag tree planting tingin ko ‘yan ang challenge sa maraming mga netizens,” dagdag niya.
Batay sa datos na nakalap ng GMA News Research, sa mahigit 1.8 milyong ektaryang kagubatan ng Sierra Madre noong 2003, nabawasan na ito ng higit 130,000 ektarya, at naiwan na lamang ang 1.693 milyong ektarya batay sa survey noong 2020.
Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, posibleng mabawasan pa ng kalahati ang forest cover ng Sierra Madre pagsapit ng 2031.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol dito.—FRJ GMA Integrated News
