Inilahad ni AJ Raval na nakaramdam siya ng kalayaan matapos “madulas” noon ang amang si Jeric sa isang press conference at ihayag na may mga anak na sila ng kaniyang partner na si Aljur Abrenica.
“Masaya po ako noon. Masaya po talaga ako,” sabi ni AJ sa ikalawang bahagi ng panayam sa kaniya, kasama na ang amang si Jeric sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Kasi noong time po na ‘yun, nag-a-ask na po ako, nagpe-pray na po ako ng freedom. And then, 'yung tatay po biglang nadulas. Blessing in disguise,” pagpapatuloy ni AJ.
Kaya naman ngayon, malaya nang nakalalabas sa publiko si AJ kasama ang mga anak at si Aljur.
“Masaya kami, masaya ako. Lumalabas kami ngayon, kakain kami. Hindi kami nagtatago,” anang aktres.
Ayon kay AJ, si Jeric na rin ang nagsabi sa kaniya na panahon na para ihayag sa publiko ang pagkakaroon nila ng mga anak ni Aljur.
Sabi pa ni AJ, walang problema kay Aljur na ipaalam sa publiko ang kanilang mga anak, at sa halip ay siya ang nagkaroon ng pag-aalinlangan noong una.
“Si Aljur wala naman siyang problem. Ayaw po niyang itago ang mga kid. Ako lang po ang nagtatago sa mga tao kasi naniniwala din po ako sa evil eye. Kaya ayaw ko rin po ipakita 'yung mga bata,” sabi niya.
Sinabi ni AJ na alam na ng kaniyang mga boss at sa endorsements ang tungkol sa pagkakaroon na niya ng mga anak.
Sa unang bahagi ng panayam sa kaniya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inilahad ni AJ na may tatlong anak na sila ni Aljur, na sina Althena, Aljur Junior, at Abraham.
Sa pagpapatuloy ng panayam sa kaniya nitong Huwebes, sinabi ni AJ na non-showbiz ang ama ng dalawang nauna niyang mga anak. Patuloy na ginagampanan ng lalaki ang responsibilidad nito sa kanilang mga anak.
Ang bunsong si Abraham, dalawang buwan na ngayon at ka-birthday pa ni AJ na Setyembre 3.
“Blessing po talaga. Gift po talaga sa akin ‘yun,” ani AJ.
Maganda rin ang relasyon nina Aljur at panganay niyang si Arianna.
“Maganda po Tito Boy. So maganda ang dynamics nila. Si Aljur, madami po siyang natuturo kay Yana. ‘Yung batang ‘yun, hindi po siya malaro. Puro lang po siya nakadikit sa akin. Hindi po siya malikot. Ngayon naturuan po ni Aljur paano po maging atleta ‘yung bata,” kuwento ng aktres.
Batang ina
Inilahad din ni AJ na naging hamon sa kaniya ang pagiging batang ina.
“Pinaka-challenging po sa akin noong time na iyon, ngayon po actually, kung paano pong mag-build ng relationship sa panganay ko. Kasi para nga Tito Boy, sabay po kami magma-mature,” sabi niya.
“Minsan, hindi ko po siya naiintindihan kasi bata din po ako nu’ng time na ‘yun. Pero okay naman po kami. Masaya po kami,” pagpapatuloy ni AJ.—FRJ GMA Integrated News
