Naglabas ng paglilinaw si Kris Aquino tungkol sa naging kuwento ni Anjo Yllana sa vlog ni Snooky Serna tungkol sa naging relasyon nila noon.

Sa Instagram post nitong Lunes, sinabi ni Kris na hindi totoo na tatlong linggo lang ang itinagal ng relasyon nila ni Anjo, gaya ng sinabi ng aktor sa naturang vlog ni Snooky na lumabas ilang buwan na ang nakakaraan.

"Anjo Yllana, you filled my room with pink balloons for our first monthsary," saad ni Kris bago niya inamin na, "hindi ako proud but he said [and] he started we didn’t last 3 weeks because pinagsabay ko sila ni Robin."

Giit ni Kris, "Wala siyang kasabay."

Naalala rin ni Kris nang ihatid siya ni Anjo sa bahay ng kaniyang ina at "may naghihintay."

"It was a big surprise for me & you. You left with these parting lines: mukhang nakakagulo ako, fyi girlfriend ko sya, kahit feeling ko pag gising ko wala na," ayon pa kay Kris.

"The Surprise: Girlfriend mo harapan mong binabastos. You don’t trust her? Dumalaw ako dahil isang buwan akong abroad, dala ko yung pasalubong ko… Di 'ba mauuna ka na? I stood unmoving, staring at the floor.) Disclaimer i was 21, Anjo was 23-24, Mr. Surprise was 23," patuloy ni Kris.

Sa naturang episode ng vlog ni Snooky sa YouTube apat na buwan na ang nakararaan, sinabi ni Anjo na nakagawa sila ni Kris ng isa o dalawang pelikula at naging magkarelasyon sila "for a while."

Sa pagtaya ni Anjo, tumagal ng tatlong linggo ang relasyon nila ni Kris.

"Nag-break kami ni Kris. Minsan, dumalaw ako sa kanya, nagdala ako ng flowers, galing Baguio. May matataas na stems na roses na alam mong galing ibang bansa," ani Anjo.

Ayon sa aktor, nang tanungin niya si Kris kung kanino galing ang mga long-stemmed roses, sinabi umano ni Kris na galing kay Robin.

Nang tanungin daw niya si Kris kung nanliligaw sa kaniya si Robin, sumagot umano si Kris na, "Oh, he's my boyfriend."

Pinaklaro pa raw ni Anjo kay Kris ang sinabi nito, "Boyfriend mo si Robin? Boyfriend mo rin ako?" At ang sagot umano muli ni Kris, "Yeah, including Aga."

"So nabaliw ako nun. Sabi ko sa kanya, 'ikaw baliw ka eh. Maging magkaibigan na lang tayo. Walang mangyayari sa atin nito,’" ayon kay Anjo.

Sa kabila ng nangyari, naging magkaibigan umano sila ni Kris, at sinuportahan niya ito nang magbuntis mula kay Philip Salvador.

"Andiyan ako para sa kaniya. Yung pagbubuntis niya kay Joshua, I was there," ani Anjo. "I was telling her, 'alam mo si Kuya Ipe, hindi na tatanggapin ng pamilya mo kasi may asawa at pamilya na yan' nagkaron na ng asawa, hiwalay. But your child, impossible hindi tanggapin ng mommy mo. Impossible hindi tanggapin ng mga kapatid mo," kuwento ni Anjo.

Nagkalayo umano sila ni Kris nang kampihan niya si Joey Marquez nang magkaroon ng away ang dalawa.

"Nung kinampihan ko si Joey, hindi na ko friend ni Mareng Kris," ani Anjo.

 

 

  — FRJ GMA Integrated News