Nagulat at nabahala ang mga siyentipiko sa hindi nila inaasahang eksena sa isang kuweba sa Germany nang biglang sunggaban ng daga ang paniking lumipad na malapit sa kaniya para kainin.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na nakuhanan ng infrared camera na inilagay ng mga mananaliksik para sana pag-aralan ang komunikasyon ng mga paniki.
Pero hindi lang ang sistema ng komunikasyon ng mga paniki ang naitala nila, kundi ang kakaibang ugali ng mga daga tungkol sa mga paniki na sa unang pagkakataon ay naidokumento o nahuli-cam.
“Bats can echolocate, so they should have been able to see the rat, but how was the rat able to see the bats? That’s still a mystery, actually, ayon kay Mirjam Knornschild, co-author ng pag-aaral.
Bagaman ito ang unang pagkakataon nai-record ang ginawa ng mga daga sa paniki, naniniwala ang mga mananaliksik na posibleng matagal nang kumakain ng paniki ang mga daga sa kuweba.
Bukod sa posibleng maging banta sa populasyon ng mga paniki ang mga daga, may pangamba rin ang isang infectious disease ecologist na baka maging “host” na rin ng mga virus ang mga daga dahil sa pagkain nila ng paniki.
Kilala ang mga paniki na carrier ng mga virus, katulad ng coronavirus na naging mitsa ng COVID-19 pandemic.
“As we degrade habitats, we bring rats with us, and we’re potentially bring a bridging host with us to help us be exposed to the next pandemic pathogen,” ayon kay Raina Plowright, infectious disease ecologist.
Nakikipagtulungan ang research team sa Umwelthbundesamt, isang federal agency sa Germany, na nakatutok sa environment research.
Maghahanap daw sila ng paraan para mabawasan ang populasyon ng daga sa paligid ng hibernation spots ng mga paniki sa lugar.—FRJ GMA Integrated News
