Sinabi ni Senadora Imee Marcos na gumagamit noon pa man ng ilegal na droga kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sinagot naman ito ng tagapagsalita ng Palasyo at tinawag na desperadong galaw ang ginawa ng una.
“Nung 2016 kasabay ng kampanya ni dating Pangulong (Rodrigo) Duterte laban sa droga, lumabas ang pangalan ni Bongbong sa listahan,” sabi ni Imee sa Iglesia ni Cristo (INC) peace rally sa Quirino Grandstand sa Manila nitong Lunes ng gabi.
Ayon pa sa senadora, hinikayat daw niya noon ang kapatid na mag-asawa na para magkaroon ng direksyon ang buhay at magbago pero nagkamali siya dahil nagdodroga rin umano ang naging asawa nito na si First Lady Liza Araneta.
Kaagad namang sinagot ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang akusasyon ni Imee na tinawag niyang "desperate move."
"This is definitely a desperate move. Ang pinag-uusapan sa peace rally ay patungkol sa ‘di umano’y korupsiyon. Ano ang dahilan ni Senator Imee na ang sariing kapatid ay siraan niya?," ani Castro.
Ipinaalala rin niya na nagpa-drug test si PBBM noong 2021 bago pa ang kampanya sa halalan at nagnegatibo ang resulta ng naturang pagsusuri.
BASAHIN: Marcos tested negative in 2021 cocaine test, says drug analyst
Noong 2024, humarap sa imbestigasyon ng Senado ang drug examiners mula sa St. Luke's Medical Center - Global City para patotohanan ang naturang negative drug result na ginawa kay Marcos noong 2021. – FRJ GMA Integrated News
