Sa nakalipas na 10 taon, naglunsad ng programa ang Department of Health (DOH) na may bilyon-bilyong pisong pondo upang magtayo ng mga Super at Mega Health Centers sa iba’t ibang lugar sa bansa para matulungan ang mga Pinoy na maysakit. Pero lumilitaw na may mga center na kung hindi natapos ay hindi naman nalagyan ng mga tauhan kaya hindi napakinabangan.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang ginawang pag-sponsor ni Bataan Representative Albert Garcia sa Kamara de Representantes sa budget ng DOH. Anang kongresista, sa nakalipas na 10 taon, naglaan ng pamahalaan ng tinatayang P170 bilyon para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH. Ang aabutin ng buong programa, nasa P400 bilyon kung isasama ang mga gamit at mga tauhan.
Ang naturang proyekto, layunin na palawakin ang primary care facilities para sa mga tao. Tinawag ang dalawang uri ng health center na Super Health Centers, at ang mas malaki na multi-storey facilities na Mega Health Centers.
Ngunit ang Mega Health Center na inilagay sa Sitio Macanhan sa Brgy. Carmen sa Cagayan de Oro na isinulong ng lokal na pamahalaan, mga steel beam lang ang nakatayo kaya ginawa na lang sampayan ng ilang residente.
Marso 2024 sinimulan ang proyekto ng contractor na Nurben Engineering pero hindi ito nagawa matapos na abandonahin umano ng kompanya.
Ang pasyente na si Jenepher na kabilang sa mga nakikipagsisiksikan sa isang public hospital sa lugar, nanghihinayang sa natenggang proyekto.
"Nanghinayang kami. Kesa magalit pa tayo, wala tayong magawa," saad niya. "Sana mapatuloy na nila ang project diyan sa Macanhan kay maraming tao din ang lumalapit diyan."
Samantala, isang barangay health center naman ang ginawa sa isang liblib na lugar sa Miagao, Iloilo na natapos noong 2015.
Pero kahit natapos ang health center, hindi rin napakinabangan dahil walang tauhan na namahala kaya nabubulok na.
"Nagulat ako nu’ng nakita ko na ganu’n na pala 'yung itsura doon sa loob. Kaya laking hinayang po namin," sabi ng residenteng si Jessa. "Laking panghihinayang talaga na abot-kamay mo 'yung makakatulong po sa mga tao dito pero parang walang silbi.”
Ayon kay Miagao Mayor Richard Garin Jr., proyekto ng dating administrasyon ang health center pero hindi na turned over.
May Super Health Center din sa Cadiz, Negros na hindi natapos, na ayon sa kontratista na Durabuild Construction, structural works lang ang dapat nilang gawin dito.
Sinabi naman ni Cadiz Mayor Salvador G. Escalante Jr. na nag-focus ang prayoridad nila na magtayo ng P380 million city hospital.
"I'm building a P280M hospital plus another probably P100M to fit the beds, the hospital equipment, and so on and so forth. It's a P380M project funded by the city," anang alcalde.
Ayon sa DOH, sa 800 health centers na pinondohan sa nakalipas na apat na taon, 300 ang hindi operational.
Inamin naman ni DOH Secretary Ted Herbosa na ilan sa 15 kontratista na nadadawit sa anomalya sa flood control projects ang nakakakuha rin ng proyekto sa DOH.
Para sa internist at cardiologist na si Dr. Anthony Leachon, kung pasyente ang usapin ng kalusugan sa Pilipinas, nasa ICU na ito ngayon.
“In fact, malapit nang mamatay. Malapit sa morgue na," aniya.
Pero kung si Herbosa ang tatanungin kung pasyente ang Pilipinas, sagot niya, “Discharged na siya. Primary healthcare na ang kailangan.”
Tunghayan ang buong talakayan sa video ng “KMJS”, at ang pahayag ni Herbosa tungkol sa mga pasyenteng pumipila para matanggap sa mga government hospital. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
