Sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes na dalawang opisyal na undersecretaries ang gumamit umano sa pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa pagsingit ng P100 bilyon pondo sa 2025 budget, at makakuha ng nasa P52 bilyon na tongpats o kickback.
Sa kaniyang interpelasyon sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2026 budget, sinabi ni Lacson na sina Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar at Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Undersecretary Adrian Bersamin ang kumikilos pa parang “sindikato” para makapagsingit ng hanggang P100 bilyon sa budget, kung saan kukunin din ang kickback.
Parehong nagbitiw na sa puwesto sina Olaivar at Bersamin, kasunod ng pagbibitiw nina Executive Secretary Lucas Bersamin (kamag-anak ni Adrian) at Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ayon kay Lacson, inihayag ito ni dating Public Works (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, na nagsabing nagbigay siya ng P52 bilyon na tongpats mula sa P100 bilyong isiningit na proyekto.
Sa nasabing halaga ng isiningit na pondo, P81 bilyon ang isinama bilang pondo sa DPWH, habang sa iba pang ahensya inilagay ang P19 bilyon, ayon kay Lacson.
Sinabi niya na sina Olaivar at Bersamin ang umano’y gumamit sa pangalan ni Marcos upang itulak ang mga insertion at pamahalaan ang mga pinansiyal na transaksyon.
Nakipag-ugnayan ang GMA News Online kina Olaivar at Bersamin para sa kanilang komento.
Ayon kay Lacson, tumawag si Bernardo nitong Linggo matapos na mapanood ang ikatlong bahagi ng video statements ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, na nagsasaad na dinala umano niya kina Pangulong Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez ang mga kickback mula sa P100 bilyong fund insertions.
"Ang statement na ginawa ni ex-Congressman Zaldy Co na nagbintang siya na P100 billion sinasabi niya na utos daw ng Pangulo na isingit sa bicam. And I agree na totoo ang listahan ng P100 billion. Talagang isiningit sa bicam," ani Lacson.
Bagama’t maaari umanong “bahagyang totoo” ang alegasyon, mali naman daw ang sinabi ni Co na naghatid siya ng P25 bilyon para sa Pangulo na katumbas ng 25% na “commitment.”
"But yung sinasabi ni Zaldy Co sa social media as posted na nag-deliver siya ng P25 billion representing the 25% commission 'di umano para kay Presidente, that, I will attest na hindi totoo," sabi pa ni Lacson tungkol sa mga impormasyon na ibinigay ni Bernardo.
Sa naturang tawag, sinabi ni Lacson na ibinahagi rin ni Bernardo ang detalye kung paano umano isinagawa nina Olaivar at Bersamin bilang mga “insider” sa Malacañang ang kickback scheme nang hindi nalalaman ng Pangulo.
"Napag-alaman ko from Undersecretary Bernardo na may mga tao sa Malacañang, not the President, not authorized by the President, who misrepresented him. I will name some of them," saad ni Lacson na tinukoy sina Olaivar at Adrian Bersamin.
Ayon kay Lacson, alam ni Bernardo na mali ang mga pahayag ni Co dahil personal nitong pinangasiwaan ang paghatid ng P8 bilyon kina Olaivar at Bersamin, para sa 10 delivery.
“Sabi niya ang pag-alam niya kasama si Usec Adrian Bersamin. P8B in at least 10 deliveries. The modus, yung arrangement nila is meron silang tig-isang armored van,” patuloy ni Lacson.
Naganap umano ang mga paghahatid mula Marso hanggang Abril 2024, gamit ang mga armored van na may kargang P800 milyon hanggang P2 bilyon bawat delivery. Nagaganap umano ang palitan sa basement ng Diamond Hotel sa Maynila.
Naganap umano ang pinakamalaking delivery noong Marso 11, ayon kay Lacson, kung saan hiniling umano ni Olaivar na ipagpaliban ang pickup dahil sa tensiyong pulitikal kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bernardo, sinabi ni Lacson na ang napagkasunduang porsiyento para sa kickback ay 15%, ngunit tinaasan ito sa 16% nang humingi raw si Olaivar ng dagdag na 1% para sa kaniyang sarili.
Sinabi ni Lacson na hiniling niya kay Bernardo na isulat ang kaniyang mga rebelasyon sa isang handwritten note, na nangakong personal niyang ihahatid sa Pangulo.
Ayon kay Lacson, natanggap ni Marcos ang naturang impormasyon dakong 2 p.m. noong Lunes, halos kasabay ng pag-anunsyo ng Malacañang sa pagbibitiw nina Executive Secretary Bersamin at Pangandaman.
Batay sa mga pahayag ni Bernardo, pinabulaanan ni Lacson ang alegasyon ni Co na inutos umano ni Marcos ang paglalagay ng P100 bilyong proyekto sa 2025 national budget sa panahon ng bicameral conference committee deliberations.
Kasunod ng mga bagong impormasyon, sinabi ni Lacson na hindi dapat inaabuso ng mga opisyal ang tiwala sa kanila ng Pangulo.
"No matter how kind-hearted he is, let’s not take advantage. Yan po yung nakakasama ng loob," ani Lacson.
"Let this be a lesson to everyone," paalala niya. "Sometimes kala mo lulusot ka pero sooner or later it will catch up with you especially if you do it habitually."
Panahon na rin umano para akuin ng mga opisyal ang responsibilidad sa corruption scandal na nakakaapekto na sa ekonomiya at tiwala ng mga namumuhunan.
"I think we have reached the point na dapat isipin natin enough is enough," he added. — Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News
