Sinagot ni Ellen Adarna ang tanong ng kaniyang mga follower sa social media kaugnay sa nauna niyang isiniwalat tungkol sa sigalot sa pagsasama nila ng kaniyang asawa na si Derek Ramsay.
Sa kaniyang Instagram Stories, ibinahagi ni Ellen na bawal pumunta si Derek sa kanilang bahay hangga’t hindi siya nakalilipat.
Tanong ng isa niyang follower, “Madam, if you did not confront him, pano mo siya pinalayas diyan?”
Ayon kay Ellen, “Pina-barangay ko siya twice. Not once, but twice.”
Sinabi rin ng aktres na batay sa kasunduan, hindi puwedeng makitira sa kanilang tahanan si Derek hangga’t hindi sila nakalilipat ng kaniyang mga anak sa bago nilang bahay.
“He won’t come back until I’m living in my new place,” aniya. “Tutal, I’m gonna be gone forever.”
Inihayag din ni Ellen na imbitado si Derek sa first birthday party ng kanilang anak pero hindi umano pumunta ang aktor.
“He was sent an invite, okay. He chose not to go,” ani Ellen. “He was playing frisbee or golf somewhere. So important, right?”
Dumalo umano sa party ang kapatid at pinsan ni Derek.
“He had a choice. We all had a choice. No one put a gun on his head and told him not to go,” giit ni Ellen.
Nitong Lunes, sinabi ni Ellen na natuklasan niya ang pagtataksil umano sa kaniya ni Derek sa isang babae na kaibigan ng aktor.
Ilan buwan nang naging usap-usapan sa social media ang hinalang may problema sa pagsasama ng mag-asawa, na unang itinanggi ni Derek.
Wala pang pahayag di Derek tungkol sa mga bagong pahayag ni Ellen. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
