Matapos ang hagupit ng magkakasunod na lindol at mga bagyo na naranasan ng mga taga-Bantayan Islands sa Cebu, tila sinuwerte naman ang ilang residente nang may matagpuan sila sa dalampasigan ng mga butil ng ginto. Saan kaya ito nagmula, at legal kaya na ibenta nila ang mga ginto? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood sa isang video na kaniya-kaniyang dala ng mga timba at kulambo ang mga taga-barangay Bantigue para maghukay ng mga gintong alahas na kung tawagin nila ay “bulawan.”

Ang mangingisdang si Makoy Fernandez umano ang unang nakakita ng mga butil ng ginto sa tabing dagat, na akala niya ay parang buto lamang ng munggo. Nakakuha siya ng 21 piraso ng maliliit na ginto.

Kasunod nito ay naghukay na rin ang iba pang residente para maghanap ng mga ginto.

Gayunman, sinabi ng mga residente na hindi ito ang unang pagkakataon na nakakuha sila ng mga butil ng ginto sa dalampasigan.

Ang 48-anyos namang si Geralyn Ibañez, ilang beses na raw  nakahukay ng ginto sa ilalim ng kaniyang kubo na mga hugis paru-paro, mais, at tila mga bulaklak.

Ibinenta nila ang mga nakuha nilang ginto sa scrap gold seller na si Bryan Pacilan, na napatunayang tunay na mga ginto ang nakukuha ng mga residente. Dahil dito, binili rin niya ang mga butyl ng gintong inalok sa kaniya.

Sa pag-iimbestiga ng team ng KMJS, natuklasang may malaking pagkakatulad ang mga ginto sa mga sinaunang alahas noon pang ika-10 hanggang 13 siglo.

Ngunit tutol ang archeologist na si Dr. Jobers Reynes Versales sa ginawa ng mga residente na paghuhukay at pagbebenta ng mga ginto. Babala niya, may sumpa ang mga ito.

“Raid or trade, ang rason bakit may mga gold diyan. Hindi niyo pagmamay-ari ‘yan. May mga curse ‘yan. In Cebuano, it's called Tunglo. Before they bury their dead, they put a curse,” sabi ni Versales.

Paliwanag ni Versales, galing sa ating mga ninuno ang butil ng mga alahas.

“Ang hypothesis ko diyan, 'yung river diyan, on one side was the settlement. On the shoreline, ‘yan ang burial. It's a sign of an active community that defended itself. Kitang kita may mga warriors diyan kasi inilibing na may mga spear,” sabi niya.

Dagdag pa ni Versales, lumitaw ang mga ginto sa dalampasigan dahil sa erosion.

Pag-amin ni Makoy, nakakita rin siya ng bungo na posibleng nagmamay-ari ng ginto noong araw na maghukay sila.

“Pumunta ako sa baybayin, may nakita akong isang bungo. Binalik ko na lang ‘yung katawan ng bungo,” ani Makoy.

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, tradisyon na ng ating mga ninuno na magsuot ng mga gintong alahas, na simbolo ng estado ng mga sinaunang tao sa lipunan.

Nakarating sa pamunuan ng National Museum of the Philippines at ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA ang balita tungkol sa mga nahukay na ginto sa Barangay Bantigue.

Ayon sa NCCA representative na si Ian Carlos Lipardo, dapat i-report at i-surrender ng mga taga-Bantigue ang mga nahukay nilang ginto. Kung hindi, may posible silang paglabag batay sa Republic Act 10066 as amended by 11961.

“‘Yung lahat ng mga nag-vlog diyan, dapat humingi kayo ng patawad kasi you have just violated two laws. Imbes na pag-aaralan, nanakaw. What kind of people are we? Na wala tayong respeto sa ating nakalipas? This is really sad,” sabi ni Versales.

“Kung may nakita kayo, hindi niyo 'yan pagmamay-ari. Pagmamay-ari 'yan ng sambayang Pilipino. Huwag niyo i-benta, i-report niyo 'yan sa local government. I appeal to the government, please start a foundation or a program to establish archeological schools all over the Philippines. Because archeology can help us understand sino tayo, anong nangyari sa atin, at saan tayo pupunta. Or else we end up with wala, ubos na lahat. And then that's the time we realize na we lost so much pero wala na tayong makita,” panawagan ni Versales.

Tunghayan sa KMJS ang plano ng mga residente tungkol sa mga nahukay nilang ginto matapos magsagawa ng orientation ang mga taga-NCCA. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News