Isa sa mga kuwentong tampok sa “KMJS' Gabi ng Lagim: The Movie,” ang “sanib” na tunay umanong nangyari sa isang babae sa Misamis Oriental. Ang naturang babae at ang mga paring exorcist na nakipagtuos umano sa mga demonyo, inilahad ang naging karanasan nila sa nakapangingilabot na insidente. Bakit nga ba ito nangyari sa babae? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang mga paring exorcist mula Charismatic Episcopal Church ng Gingoog City, Misamis Oriental na sina Father Rex Manlantao at Father Azul Lambatan, at ng babaeng itinago sa pangalang “Angel,” ang pangyayari.

“Almost two years na nangyayari 'yun sa buhay ko. Na-possessed po ako at nagpakita 'yung mga creatures. Physical and emotionally burn out po ako noon at hindi po kaya ng katawan ko na tumayo sa another morning, another possession day na pine-face ko po,” sabi ni Angel.

Edad 13 lang si Angel noong una umano siyang sinaniban. Ayon sa kaniya, paulit-ulit niyang binubunggo noon ang kaniyang ulo sa gilid. Ang kaniya namang ate na si “Tere,” hindi rin tunay na pangalan, sinabing lumulutang ang kaniyang katawan.

Kalaunan, humingi ng tulong sina Tere sa kanila noong kura-paroko na si Father Rex. Ito ang kauna-unahang exorcism rite na ginawa ng pari.

“Ito na siguro 'yung time na mamamatay siguro ako. Kasi hindi naman ako takot but at the same time wala lang po talaga akong alam. Ang dala ko lang po talaga nu'ng time na 'yun is 'yung faith ko sa Panginoon,” ani Father Rex.

Maging si Father Rex, tila gusto umanong gantihan ng mga sinagupa niyang demonyo sa katawan ni Angel.

“So nagising ako, sabi ko, ‘Sino kayang humatak sa akin?’ 'Yung tiningnan ko 'yung oras, alas tres po ng madaling araw, the devil's hour,” anang pari.

Pero muling ginambala ng mga kampon ng kadiliman si Angel na inakala ng mga pari na ligtas na.

“May nakita ako ng lalaking sobrang itim,” ayon kay Angel.

Sinabi naman ni Father Azul na nagkaroon ng demonic seizure si Angel nang mag-iba ang sigaw nito.

Nakuhanan nila ng video nang magsagawa sila ng exorcism rite kay Angel.

“‘In the name of Jesus, tell me your name.’ Ang sabi po, ‘We are many.’ Pero 'yung prevailing spirit talaga na parang nagli-lead is something similar sa characteristic din ni Satan,” sabi ni Father Rex.

Nagpaulit-ulit pang sumapi ang mga demonyo kay Angel makaraan ang ilang araw.

Hinala ni Angel, nangyari ang pagsanib sa kaniya dahil sa galit na nasa kaniyang puso bunga nang paghiwalay ang kaniyang mga magulang.

“Napi-feel ko 'yun na bakit unfair? Kasalanan ko ba bakit naghiwalay si mama at si papa?” sabi ni Angel.

Ngunit ngayon, natuto si Angel, na magpatawad at magpatibay ng kaniyang pananampalataya.

“Faith ko po sa Panginoon ay mas lalong lumaki. I continue to be active in my ministry. Hindi po ako nawalan ng pananampalataya po sa Panginoon,” sabi ni Angel.

Ang kaso ni Angel na hinarap nina Father Rex at Father Azul ang pinagbasehan ng pangatlong tampok na kuwento sa “KMJS' Gabi ng Lagim: The Movie” na “Sanib.”

Tampok sa kuwento sina Epi Quizon, Martin Del Rosario, Ashley Ortega, Lotlot De Leon at pagbibidahan ni Jillian Ward, ang babaeng sinaniban.

Ngunit noong 2023, may isa pang kaso ng sanib na nahuli-cam na lumutang umano ang katawan ng isang lalaki habang pinipigilan siya ng dalawang security guard. Kumusta na rin kaya ang lalaking ito? Panooring ang buong kuwento sa video. – FRJ GMA Integrated News