Isang 18-anyos na teenager ang nagsulat ng isang children’s book bilang regalo sa matagal na niyang yaya na Pilipino. Ang malilikom niyang pera mula sa maibebentang mga libro, ipangtutulong niya sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong na nais makapagtapos ng pag-aaral.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Emilio Baja, author ng children’s book na, “A Heart in Two Places,” na inilunsad niya noong Agosto 30. Umiikot ang kuwento nito sa buhay ng isang Filipina domestic helper sa Hong Kong.
Mapupunta ang kikitain ng libro sa pondo para sa mga iskolar ng Full Phils, isang non-government organization, na layong tulungan ang mga Filipino domestic helper sa Hong Kong na makatapos sa kolehiyo.
Maaga kasing nabuksan ang mga mata ni Emilio kaugnay sa mahirap na buhay ng mga OFW sa Hong Kong.
Kapag nasa Hong Kong siya, madalas niyang mamataan ang mga OFW sa Central District na naglalatag ng karton habang nagkukuwentuhan, nagkakantahan, at ginugugol ang isang araw nilang day off sa gilid mismo ng kalye.
“This contrast and this duality between rich and the poor, with Hong Kong and the Philippines, who thus generalize us Filipinos for being loud, for being noisy, when in reality we're just having fun,” sabi ni Emilio.
Kalaunan, nabuo kay Emilio ang mas malalim na malasakit para sa mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa, lalo pa’t inalagaan siya ng kaniyang yayang si Harlene, na mahigit dalawang dekadang kasama ng pamilya Baja sa kanilang bahay.
“So growing up, I've always had a very close and personal relationship with our yaya. We're very grateful for her and this relationship that we have with her,” sabi ni Emilio.
Batid ni Emilio na maraming domestic helper sa Hong Kong ang mahirap ang buhay at kapos sa pagkakatoong makapagtapos ng pag-aaral. Kaya nag-isip siya kung paano sila muling makakakuha ng edukasyon.
Itinatag ni Emilio ang Full Phils noong 2023 at inumpisahan ang pagpapadala ng mga email sa iba't ibang eskuwelahan na maaaring magbigay ng scholarship.
“Eventually, after sending hundreds of e-mails to potential donors, sponsors and partner universities, some of them eventually said yes and I'm very, very grateful. So Full Phils currently has three partner schools to provide online college education to our overseas Filipino workers,” anang binata.
Hanggang sa dumami na ang kanilang mga volunteer mula sa iba't ibang panig ng mundo.
“Dito ako lumaki so malapit sa puso ko ang matulungan ang mga kababayan natin sa ibang bansa, lalo nandito sa Hong Kong. Kung ako may privilege na makapag-aral, bakit hindi ang mga kababayan natin?” sabi ni Darren Nathaniel Manlangit, volunteer ng Full Phils.
Ang 44-anyos na si Rosabel Alday, isang single mom na halos tatlong taon nang natutulungan ng Full Phils.
Nakatapos siya ng vocational na two-year course at sinubukang ituloy ang engineering. Pero nakita niyang nahihirapan na ang kaniyang mga magulang sa pagpapaaral. Kaya nagdesisyon siyang tumigil at nagtrabaho sa Hong Kong.
Nagbakasakali si Bel nang makita online ang tungkol sa scholarship ni Emilio. Kumuha ng kursong Business Administration, Major in Management Information System, gumigising si Bel ng 4 a.m. para maisingit ang pag-aaral, bago magtrabaho ng 7 a.m. hanggang 10 p.m.
“Pero it's more like of achieving dream for my mom. Alam ko na pangarap ng nanay ko na makita niya ako talaga going up, alam mo ‘yun, sa stage and then receiving my own diploma,” kuwento ni Bel.
Dalawang taon na lamang, magtatapos na siya sa pag-aaral. At plano niyang umuwi sa Pilipinas at magtatrabaho sa corporate world.
Bukod sa libreng edukasyon, nagbibigay rin ang organisasyon ng mga seminar at workshop gaya ng financial literacy na mababaon nila sa pag-abot ng pangarap.
“Binigyan kami ng chance ng Full Phils na mangarap ulit na hindi nagtatapos ang buhay namin as domestic helper dito sa Hong Kong,” ani Bel.
Magtatapos na ngayong buwan ang unang batch mula sa halos 30 OFW na tinutulungan ang organisasyon.
Magpapatuloy naman ang Full Phils sa pagtulong pa sa mas maraming kababayan.
“Education should be a right that is given to not just a very select few but also given to everyone,” sabi ni Emilio.—FRJ GMA Integrated News
