Kapag steak ang pag-uusapan, papasok sa isipan na kailangan gumastos nang mahal para ito matikman. Pero sa isang steakhouse na may iba’t ibang branches na sa Kamaynilaan, malalasap ito sa pinakamurang halaga na P200 pataas.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang Escobar’s Steakhouse nina Deniel Escobar at kaniyang asawa. Nagsimula muna sila bilang taga-supply noon ng frozen steak.
Ang kanilang T-bone with rice, mabibili na sa halagang P283 habang ang porterhouse with rice, P311 naman.
“Since nagbebenta naman kami ng steak na frozen, nagsu-supply kami sa mga restaurant na mga kilala. Nakikita ko 'yung binebenta nila, ang mahal. Parang tina-times five nila, times six.
Eh, bakit hindi na lang kami mismong supplier magtayo? Gusto ko kasi ma-experience sa mga tao 'yung feels na premium pero affordable,” sabi ni Deniel.
Dito na nabuo ang Escobar Steakhouse na hango sa kanilang apelyido. Mas mura ang kanilang mga local steak habang umaabot ng hanggang P2,000 ang halaga ng kanilang imported steaks na mula US, Japan, Australia, Brazil.
“Affordable kasi. Tapos 'yung quality, okay na rin kasi mid-tier. Parang nandito ka na sa upper o doono ka sa pangmasa. Ito 'yung gitna. Ito 'yung the best,” ani Deniel.
Mabenta sa kanilang steakhouse ang ribeye, at iminumungkahi nila ang lutong medium rare.
Itinayo ang unang Escobar’s Steakhouse na 25-square meter sa isang residential area noong 2022. Ngayon, nanganak na ito ng sampung branches: North Caloocan; San Jose del Monte; South Triangle; Maginhawa, Quezon City; Malate, Manila; Shaw Boulevard, BF Homes, Parañaque; Novo, Bacoor, Cavite; Versailles Town Plaza sa Las Piñas; Lagro, Quezon City.
Malaking tulong sa kanilang pag-branch-out ang pagiging bukas nila sa partnerships, gaya ng kanilang Shaw Boulevard branch, kung saan nakipag-negosyo-collab ang sikat na food blogger na si Laine Bernardo.
Mula sa lahat ng kanilang branches kung susumahin, umaabot sa seven digits ang kita nila kada buwan. Plano ngayon nina Deniel na magtayo ng branches sa Central Luzon.
“Hindi ko goal na yumaman lang nang sobra-sobra. Importante sa akin, makatulong ako sa ibang tao. Makapag-provide ako ng work para sa ibang tao. Opportunities,” sabi ni Deniel.
“Ang dami kasing pumapasok na ideas sa utak natin. Pero kung hindi mo ‘yan i-manifest into action, gagawin mong reality 'yung nasa isip mo, it will remain as idea lang. Sabi nga ng mentor ko,’ relentless execution.’ You have to execute para mangyari 'yung nasa isip mo,” payo ni Deniel sa mga nag-iisip magnegosyo.—FRJ GMA Integrated News
