Hindi inakala ng isang pamilya sa Cebu City na makakasama pa nilang muli ang alaga nilang aso na tinangay ng baha sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Tino.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak, makikita ang kasiyahan at pagiging emosyonal ni Emmanuel Llenos, nang muling mahawakan ang Aspin na si “Haven,” matapos na makauwi sa kanilang bahay sa Villa del Rio sa Barangay Bacayan, na kabilang sa mga lugar na matinding binaha.

Ayon kay Llenos, hindi na niya naasikaso si Haven nang lumipat sila sa mas mataas na bahay ng kapitbahay dahil kailangan na rin niyang iligtas ang kaniyang pamilya at maliliit na alaga.

Bukod dito, napag-alaman na isang babae na nakakapit sa poste ang humingi ng tulong na kaniyang sinagip kahit hindi rin siya marunong lumangoy.

Nang humupa na ang baha, sinimulan na nilang hanapin si Haven pero hindi na nila ito nakita. Nag-post din sila sa social media ng tulong kung sakaling may nakakita sa kanilang alaga.

Dahil sa matinding pinsala na tinamo ng kanilang bahay, kinailangan na lumipat ng ibang bahay sina Llenos. Gayunpaman, binabalikan pa rin nila ang binaha nilang bahay sa pag-asang baka umuwi si Haven.

Ngunit lumipas ang mga araw at inabot na ang linggo, walang Haven na umuuwi. Subalit hindi pa rin nawalan ng pag-asa sina Llenos, hanggang sa isang araw, inabutan na nila si Haven sa bahay na puro putik ang paa at naghihintay.

Itinuturing niyang milagro ang pagbabalik sa kanila ni Haven.

Naisip din niya ang posibleng hirap na dinanas ng alaga habang hindi nila ito kasama.

Dahil sa nangyari, sabi ni Llenos, '"Never lose your faith in Lord." — FRJ GMA Integrated News